MALAKI na talaga ang epekto ng social media sa pamumuhay nating mga Pinoy.
Sinabayan pa ito ng mga high tech na cellphone kaya ang marami ay naging instant “reporter”.
Ang kuha nilang video o litrato ay maaari na nilang i-post sa Facebook at iba pang social media para maipakita sa iba.
Mabilis itong kumakalat dahil sa dami ng mga gumagamit ng Internet.
Ang mga taong nakakikita ay agad ding nakapagbibigay ng opin-yon batay lang sa kanilang nakita o nabasa sa nasabing mga post, kahit hindi alam kung ano ang kwento ng kabilang panig.
Katulad ng kaso ng traffic constable na si Jorby Adriatico na nakita sa video na kinakaladkad ng luxury car na Maserati na minamaneho ni Joseph Russel Ingco.
Marami ang nagalit kay Ingco nang hindi naririnig ang kanyang panig.
Sino ba naman kasi ang hindi magagalit sa nakita na kinakaladkad na tao at pinagsusuntok pa kaya nabasag ang ilong?
Makalipas ang ilang araw, at matapos na mahimasmasan ang marami, may mga nakapag-isip at nagtanong kung bakit nga ba nagawa ni Ingco ang pagsusuntukin si Adriatico?
Mas dumami rin ang naging interesado sa kaso nang lumabas sa media at nagsabi na may kagaspa-ngan ng ugali itong si Adriatico. Nariyan ang isang taga-UP na nakaranas umano ng hindi magandang ugali ng traffic constable.
Kung meron lang sanang CCTV ang Metropolitan Manila Development Authority sa lugar, marahil ay mas kompleto ang nakuhang kuwento ng mga gumagamit ng Facebook.
Magpapasko na pero marami ang hindi nakakaramdam nito.
Kakaunti lamang ang nakapaglagay ng mga palamuti sa kanilang mga bahay, marahil dahil sa nagtitipid sa kuryente. At yung iba, walang pambili.
Kahit na ang panahon ay hindi nakikisama para maramdaman ang Pasko.
Kung noon, Setyembre pa lamang ay ramdam na ang Pasko dahil sa malamig na simoy ng hangin, ngayon ay hindi ito maramdaman.
Disyembre na ay hindi pa rin malamig. Mas marami pa ang gabi na mainit hindi katulad dati na kakailanganin mo na ang mainit na kape bago ka magbuhos ng malamig na tubig.
Pero kung nahihirapan tayong mga nasa labas, lalo na siguro ang mga nasa loob.
May libre nga silang guwardya hindi naman kaiga-igaya ang kanilang kinasasadlakan.
Hindi katulad ng mga mayayaman at matataas na taong nakakulong na, sa kabila ng kanilang mabigat na kasalanan sa bayan, ay nakakahiga ng maayos sa kanilang mga espesyal na kulungan.
Masarap ang kinakain at naipagtatanggol ang mga sarili laban sa mga kinakaharap na kaso.
Meron din na sa ospital nakakulong, maging imbento man o totoo ang kanilang sakit.
At hindi na tayo masosorpresa kung hihirit ng Christmas furlough ang mga tulad nina Sen. Jinggoy Estrada, Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., at Sen. Juan Ponce Enrile.
Nauna na nga sa kanila si dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo na naghain na ng mosyon para makapagpasko sa kanyang bahay sa Quezon City.
Silang apat ay nahaharap sa magkakahiwalay na kasong plunder o pandarambong.
Hindi katulad ng mga nakakulong dahil sa pandurukot at panghoholdap at iba pang kasong nagawa para malamanan ang kumukulong sikmura, silang apat ay may mas maayos na kinalalagyan.
Baka ngayon ay pwede pa nating silang pagbigyan, tutal ay hindi pa naman sila nahahatulan. Pero ibang usapan na siguro kung found guilty beyond reasonable doubt na sila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.