Pagpili sa MSU chancellor pinulitika pa
ISANG desisyon ang inilabas ng Court of Appeals tungkol sa isang institusyong pang-akademya sa Tawi-Tawi. Hindi na bago ang isyu sa akin bilang mamamahayag.
Ang tinutukoy ko ay ang Mindanao State University College of Technology and Oceanography sa Tawi-Tawi; at ang desisyong inilabas ng CA ay tungkol naman sa usapin ng liderato o chancellorship ng MSU.
Noon pang 2011 ang usaping ito. At hindi ito ang unang pagkakataon na may ganitong problema sa MSU—hindi nga lang sa Tawi-Tawi ngunit sa ibang lugar na bahagi din ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Ang kontrobersya ay sa kung sino ang uupo sa pagiging chancellor. Ang tunggaliang ito ay kung minsan ay nauuwi sa karahasan.
Ngunit kung susundin ang alituntunin at batas na gumagabay sa pagtatalaga ng chancellor ng MSU kahit saan pang lalawigan, magkakaroon kaya ng usapin?
Ito ang puntos ng pasya ng CA sa kaso ni Abubakar S. Harain laban kay Lorenzo R. Reyes kasama ang iba pa.
Madugong proseso ang pagtatalaga ng chancellor sa MSU. Una isang Search committee ang itatalaga na siyang hahawak sa screening process, na ibabase naman sa batas ng Rules of Civil Procedure.
Sa kaso ng MSU-Tawi-Tawi, umiral ang prosesong ito ng evaluation at screening ng mga aplikante noong ika-15 ng Marso, noong 2011. Ayon sa batas, gabay at alituntunin sa pagpili ng susunod na chancellor sa lahat ng MSU sa ARMM at sa iba pang panig ng Mindanao, ang tatlong pangalan na may pinakamataas na marka sa iba’t ibang aspeto ng screening ang isusumite sa Board of Regents sa tanggapan ng Commission on Higher Education o CHED na pinamumunuan din ng mga matataas na opisyal ng naturang kagawaran.
Isa sa tatlong petitioner si Abubakar S. Harain. Ikalawa siya sa may pinakamataas na marka na nakuha; una si Kaber Hajilan at ikatlo si Ismael Abjuljamil.
Ngunit wala sa tatlong rekomendado ng Search Committee ang itinalagang chancellor ng MSU-Tawi-Tawi.
Dito na nagsimula ang problema. Isinama sa botohan ng mga kasapi ng BOR sa CHED si Lorenzo R. Reyes kahit wala ang pangalan nito sa shortlist. Pang-pito siya sa ranking ng mga kandidato.
Kung paanong naisama ang pangalan ni Lorenzo sa pinagpilian ng BOR-CHED dito sa national office ay isang malaking katanungan at palaisipan noon pa mang 2011.
Sa madaling salita, ang pagkakatalaga kay Lorenzo ay kuwestyunable.
Kung sa mga nakaraang kontrobersiya sa MSU leadership na nalaman at naibalita ko sa mga nakalipas na panahon bilang mamamahayag, hindi humantong sa karahasan ang usapin.
Sa korte ito nagtuloy hanggang sa umabot na nga sa CA. At ito ang malinaw na pasya ng CA noong Hunyo 27, 2014, na nagsasaad ng: “..the election and proclamation of respondent Lorenzo Reyes as Chancellor of Mindanao State University Tawi-Tawi College of Technology and Oceanography is declared NULL and VOID for having been conducted in gross violation of Article 8, Section 85 of the MSU Code of Governance, respondent Lorenzo Reyes is ORDERED to immediately vacate the Office of the Chancellor of MSU-TCTO and to desist from performing the functions of that office.”
Inulit at pinagtibay ng CA ang kanilang pasyang ito sa isang hiwalay na resolusyon na may petsang ika-6 ng Nobyembre 2014 na ganoon pa rin ang utos, “within five (5) days mula sa pagtanggap ng naturang resolusyon.
Kung uuriratin kung paanong ang sana’y malinis at malayang proseso ng pagpili ng chancellor ay pinakialaman, ang matatambad, pulitika. Dating naglingkod sa isang ahensiya ng pamahalaan si Lorenzo bilang Assistant Secretary at ang mga kaalyado ay may kaugnayan sa mga nasa puwestong may kapangyarihan.
Pati ba naman simpleng chancellor position, pinakikialaman? It makes one wonder, what is it about the position that merits this kind of controversy. But then again, there is really no wonder why.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.