ALAM mo ba ang “mañana habit”?
Ugaling Pinoy raw ito — ‘yun bang pwede namang gawin ngayon ay ipagpapabukas pa.
Sa minsan pakikipagkuwentuhan namin kina Ambassador Luis Cruz, assistant secretary ng Office of ASEAN Affairs ng
Department of Foreign Affairs, kasama ang kanyang misis na si Ambassador Mindy Cruz, assistant secretary ng Office of Asia and the Pacific, madalas daw na napagkakamalan ng mga Pilipino ang mga Koreano na maaangas.
Dating na-assign si Lui sa Korea at sa Singapore naman si Mindy.
Tingin ng mga Pinoy sa mga Koreano ay para bang walang pakialam sa kapwa at hindi palakaibigan.
Pero likas lang na mabilis kumilos ang mga Koreano at anumang gawain na nakaatang sa kanila ay agad nilang tinatapos, kwento pa ni Lui.
Sa embahada ng Pilipinas sa Korea, merong mga Koreanong staff doon. Hindi raw makikita ang mga ito na nakikipag-kuwentuhan o nakikipag-tawanan kapag oras ng trabaho.
Seryoso talaga at minamadaling matapos ang kanilang mga gawain.
“Pala, pala” ang tawag nila doon.
Kabaliktaran naman iyon ng hindi magandang pag-uugali ng Pinoy na kung tawagin nating papetiks-petiks.
Kaya nga raw may mga kababayan tayo na pinagsasabihan na parang di seryoso sa trabaho dahil hindi natatapos sa oras.
Pero sa kabila nang pagiging papetik-petiks ng mga Pinoy, may ugali naman ang mga ito na kahanga-hanga at ito ay ang pagkakaroon nila ng ugaling pasensiyoso—hanggang kayang tiisin ang isang bagay or trabaho ay magtitiis sila.
Pati na sa mga kasamahang mahirap pakisamahan, kayang pagtiisan.
Kaya naman patuloy pa ring ginugusto ng mga foreign employers ang mga Pinoy dahil sa matiisin ang mga ito.
Sana lang tuluyan nang mawala sa atin ang ugaling papetiks-petiks.
Lumapit sa Bantay OCW si Noemi Sales ng Taytay, Rizal.
Galing siya ng Bahrain ngunit hindi natapos ang kanyang kontrata roon. Reklamo ni Noemi, maraming mga probisyon sa kanyang kontrata na nilabag ng kanyang employer. Hindi rin kumpleto ang sahod na natanggap niya.
Ipinadala namin si Noemi sa tanggapan ni Administrator Hans Leo Cacdac ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) upang kaagad maasikaso ang naturang reklamo at maibigay ang nararapat para sa ating OFW.
Aabangan natin ang kaso ni Noemi.
vvv
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM. Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon. OFW ka ba o kaanak ng isang OFW at may problema, i-text lang ang OCW, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.