Anak ni Dennis Trillo naaksidente, isinugod sa ospital
SUGATAN ang anim na bata, kabilang na ang anak ng aktor na si Dennis Trillo matapos magbanggaan ang dalawang school bus Martes ng umaga sa panulukan ng Speaker Perez at N. Roxas st. sa Barangay Lourdes, Quezon City.
Sinabi ni Chief Insp. Diogenes Amor, hepe ng Balintawak traffic sector na nangyari ang insidente ganap na alas-5:45 ng umaga kung saan nagbanggaan ang school bus ng Malayan High School of Science – Pandacan, Maynila(TXF 527) at Xavier School (TWT 945).
Aniya, matindi ang tinamong pinsala ng school bus ng Malayan High School of Science.
Idinagdag ni Amor na dinala ang mga sugatang bata sa Chinese General Hospital at ang iba naman ay sa Jose Reyes Memorial Medical Center.
Ayon kay Amor, kabilang ang anak ni Trillo sa beauty queen na si Carlene Aguilar sa mga pasahero ng Xavier van.
“The boy sustained no injuries but was taken to the hospital anyway,” sabi ni Amor.
Sinabi ng drayber ng Xavier School na si Rasmur Padios, patawid na siya ng N. Roxas mula Speaker Perez nang bigla na lang sumulpot ang school service ng Malayan.
Iginiit naman ng driver ng school service ng Malayan na si Jerrilito Papa na matulin ang takbo ng driver ng Xavier.
Hawak na ng QC Traffic ang mga driver habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.