UMISKOR si Klay Thompson ng career-high 41 puntos sa kanyang unang laro matapos na pumirma ng contract extension at nakatuwang ang backourt partner niyang si Stephen Curry para pamunuan ang Golden State Warriors sa paglampaso sa wala pang panalo na Los Angeles Lakers, 127-104, sa kanilang NBA game kahapon sa Oakland, California, USA.
Si Thompson, na pumirma ng four-year maximum extension na nagkakahalaga ng $70 milyon noong isang araw, ay may 14 for 18 field goal shooting. Si Curry ay nag-ambag ng 31 puntos at 10 assists para sa Warriors na binalewala ang matinding laro ni Kobe Bryant sa harap ng sellout crowd na 19,596 sa home opener ng koponan.
Kinamada ni Bryant ang 19 sa kanyang 28 puntos sa ikatlong yugto na halos binuhat ang kapos sa manlalarong Lakers na makabalik sa laro. Subalit kinapos ang ratsada ng Los Angeles sa huling yugto para matalo sa ikaapat na laro.
Ang Lakers ay nahulog sa 0-4 sa unang pagkakataon magmula noong 1957-58 season kung saan ang prangkisa nito ay nasa Minneapolis.
Mavericks 109, Pelicans 104
Sa New Orleans, gumawa si Chandler Parsons ng 20 puntos para tulungan ang Dallas Mavericks na talunin ang New Orleans Pelicans.
Si Dirk Nowitzki ay umiskor ng 17 puntos kahit na na-foul trouble at tumira ng 12-foot fadeaway jumper sa harap ni Anthony Davis para ibigay sa Dallas ang 109-103 kalamangan may 49 segundo ang nalalabi sa laro.
Si Monta Ellis ay nag-ambag din ng 17 puntos para sa Dallas.
Si Davis ay nagtala ng 31 puntos, 15 rebounds at tatlong blocks para pangunahan ang New Orleans.
Hawks 102, Pacers 92
Sa Atlanta, kumamada si Jeff Teague ng 25 puntos habang si Al Horford ay nagdagdag ng 20 puntos para pangunahan ang Atlanta Hawks na magwagi sa kanilang home opener kontra sa Indiana Pacers.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.