Hapee sisimulan ang kampanya sa PBA D-League Aspirants’ Cup
Mga Laro Ngayon
(Ynares Sports Arena, Pasig City)
12 nn. Hapee vs AMA
2 p.m. Jumbo Plastic vs Cebuana Lhuillier
4 p.m. MJM M-Builders vs Tanduay Light
SISIMULAN ngayon ng Hapee ang kampanya para mabalik ang dating mataas na pagkilala sa koponan sa pagbubukas ng kampanya sa PBA D-League Aspirants’ Cup ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Katipan ng koponang hahawakan ni coach Ronnie Magsanoc ang AMA University Titans sa unang laro sa ganap na alas-12 ng tanghali at makikilatis ang lakas ng nagbabalik na koponan sa amateur league.
Patok ang Fresh Fighters na magkampeon sa liga dahil dekalibre ang manlalarong kinuha sa koponan.
Ang mga sinasandalang manlalaro sa NCAA champion San Beda College sa pangunguna ni 6-foot-9 Ola Adeogun ay sasamahan nina dating UAAP MVP Ray Parks Jr., NCAA MVP Earl Scottie Thompson, dating national player Garvo Lanete, Fil-Am Chris Newsome, Kirk Long at mga malalaking players na sina Arnold Van Opstal at Troy Rosario.
“Hindi naman garantiya ang pagkakaroon ng mga magagaling na players na magkakampeon ka dahil mahalaga pa rin ang team work,” wika ni team manager Bernard Yang.
Liderato ang pag-aagawan ng Jumbo Plastic at Cebuana Lhuillier sa ikalawang laro dakong alas-2 ng hapon habang magandang panimula ang habol ng Tanduay Light Rhum Masters sa MJM M-Builders-FEU sa huling laro dakong alas-4 ng hapon.
Galing ang Giants sa 79-74 panalo sa Bread Story-Lyceum habang ang Gems ay kuminang laban sa Racal Motors, 89-70, para matiyak na magiging balikatan ang nasabing pagtutuos.
Sasandal naman ang Rhum Masters sa determinasyon ng kanilang players para maisantabi ang pagkawala ni Newsome at ang di pagpapakita ni Mark Belo.
Si Newsome ang second pick sa rookie draft pero nawala dahil hindi nabigyan ng offer sa loob ng takdang panahon habang si Belo ay nagnanais na maglaro sa M-Builders dahil ang FEU Tamaraws ang kanilang sinusuportahan.
Ang ex-PBA player na si AJ Mandani ang siyang aasahan para pangunahan ang koponan na inaaniban din ng mahusay na UE Red Warriors guard na si Roi Sumang.
Handang makipagsabayan ang M-Buiilders para makaahon matapos ang 86-94 pagkatalo sa Cagayan Valley sa unang asignatura.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.