Mga Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
4:15 p.m. Alaska Milk vs Meralco Bolts
7 p.m. Globalport vs Purefoods Star
ITATAYA ng Alaska Milk at Meralco ang kanilang malinis na record sa kanilang pagtatagpo sa 2014-15 PBA Philippine Cup mamayang alas-4:15 ng hapon sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Sa alas-7 ng gabi na main game, magbabalik naman sa active duty ang FIBA World Cup at Asian Games player na si Marc Pingris upang tulungan ang defending champion Purefoods Star sa kanilang laban kontra Globalport.
Mainit ang naging panimula ng Aces at Bolts na nagwagi sa una nilang dalawang laro.
Tinambakan ng Alaska Milk ang Purefoods Star, 93-73, bago naungusan ang Talk ‘N Text, 100-98.
Ang Meralco, na ngayon ay hawak ni head coach Norman Black, ay dumaan sa dalawang overtime period bago ginapi ang Barako Bull, 112-108. Pagkatapos ay nanaig sila sa expansion team Blackwater, 83-75, sa overtime.
Laban sa Tropang Texters, ang Aces ay pinamunuan ni Calvin Abueva na gumawa ng unang 20-20 game ng season. Siya ay nagtapos ng may 26 puntos at 22 rebounds. Kontra Purefoods ay gumawa rin siya ng 26 puntos.
Makakatapat niya si Cliff Hodge na nagtala ng 26 puntos at 18 rebounds kontra Blackwater.
Si Abueva ay tutulungan nina Joaquim Thoss, Cyrus Baguio, JVee Casio at prized rookie Chris Banchero.
Katuwang naman ni Hodge sina Gary David, John Wilson, Reynell Hugnatan at Sean Anthony.
Ang Globalport ay nakabawi sa 96-101 kabiguan sa NLEX nang talunin ang Barako Bull, 91-81. Ang Purefoods Star ay hindi pa nananalo sa dalawang laro.
Matapos na tambakan ng Aces, ang Hotshots ay natalo rin sa San Miguel Beer, 87-80.
Magbabalik si Pingris matapos na hindi makasama ng Hotshots sa unang dalawang laro nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.