KUNG bukas ang halalan, iboboto mo bang vice president si Willie Revillame?
Hindi ito survey pero sigurado kami na mas marami ang magsasabi, kabilang pa ang mga panatiko niyang nagtitiyagang pumila para mapanood at subukin ang kanilang suwerte sa kanyang noontime show na Wowowee, na hindi nila iboboto ang host.
Kami man ay naniniwala na mas epektibong sa show biz na lamang manatili si Willie at huwag nang makigulo pa sa politika. Kung sa show biz nga ay hindi na siya magkandatuto sa paglusot sa mga problema niya, paano pa sa politika kung saan mas maraming sawa ang maghihintay na magkamali siya?
Sigurado kami na hindi kayang pigilin ni Willie ang kanyang dila na madalas ay nagpapahamak sa kanya. Hindi naman pwedeng tikom ang bibig niya kapag naupo na siya sa pwesto. Ano siya, si Lito Lapid?
Hindi na rin dapat pang dagdagan ni Willie ang mga artistang-politiko na wala namang nagawang mabuti sa bayan. Maliban kay Vilma Santos, na mahal ng mga taga-Batangas dahil epektibo itong administrador, wala na kaming matandaang dating taga-show biz na nagpakita ng brilyo sa pagiging takbuhan ng bayan.
Hindi sa pagmamaliit sa kanya, hindi masosolusyunan ang mga problema ng bayan ng isang taong eksperto lamang sa pagpapatawa at pagtatambol.
At sa usaping takbuhan ng bayan, magagawa pa kayang tumulong ni Willie sa mga tao kapag wala na ang ABS-CBN, ang producer at totoong namimigay ng mga premyo sa Wowowee, na ba-backup sa kanya at walang nakaharap na reporter at kamera upang pabanguhin ang kanyang pangalan?
Mabuti na lamang at agad nilinaw ng Nacionalista Party na hindi nito nililigawan si Willie upang gawing running mate ni Sen. Manny Villar.
Ayon kina dating Cavite Rep. Gilbert Remulla at abogadong si Adel Tamano, wala raw pag-uusap nagawing runningmate si Revillame. “Not once did the party discuss the matter. So to all those spreading those rumors, there is no truth to that,” giit nila.
Hindi porke sikat ang isang tao ay iboboto siya sa eleksyon. Cases in point ay sina Manny Pacquiao at Nora Aunor.
Pero kung mali kami sa pagkilala kay Willie, narito ang itanong n’yo sa inyong sarili kung may karapatan ba siyang tumakbo sa susunod na eleksyon.
May kakayahan ba siyang mamuno? May sapat na dunong at lakas upang humarap sa taumbayan at mga lider ng ibang bansa?
Mayroon ba siyang integridad? Madali ba siyang matukso? Maayos ba ang kanyang buhay-pamilya?
Kaya ba niyang harapin ang mga problemang mas malaki pa sa kanya? O tatakasan lang niya ito at magkukulong sa kanyang bahay?
Kaya, ang muli naming tanong, kung eleksyon na bukas, iboboto mo ba si Wowowillie na kapalit ni Kabayang Noli de Castro?
BANDERA Editorial, 092309
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.