One on One with Ai Ai delas Alas: Hindi ko sila pina-plastik | Bandera

One on One with Ai Ai delas Alas: Hindi ko sila pina-plastik

Julie Bonifacio |October 19,2014
facebook
share this

One on One with Ai Ai delas Alas: Hindi ko sila pina-plastik

Julie Bonifacio - October 19, 2014 - 05:06 PM

aiai delas alas
SA isang pambihirang pagkakataon ay nagpaunlak ng panayam ang Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas para sa amin dito sa BANDERA. Mainit kaming tinanggap ni Ai Ai sa kanyang tahanan sa isang exclusive subdivision sa Kyusi kasama ang kanyang 20-year old boyfriend na si Gerald Sibayan.

That day, ilang linggo pa lang ang nakararaan nang sumambulat sa social media ang pag-amin ni Gerald sa relasyon nila. Maraming sumubok na kunin ang pahayag ni Ai Ai tungkol sa pag-amin ni Gerald pero nanatiling tahimik ang Comedy Queen.

Maraming rebelasyon and lessons learned ang ibinihagi sa amin ni Ai Ai sa interbyu habang nagli-late lunch sila ni Gerald sa kanyang very modern style na dining room. At ibabahagi namin dito ang mga ‘yan pati na ang iba pang kaganapan sa buhay ng Reyna ng Komedya.

BANDERA: Ilang taon na ba siya sa showbiz?
AI AI DELAS ALAS: Twenty-five years na ako sa showbiz next year. Kaya may celebration ako pero naka-in-line sa Star Cinema. So, itong ‘Tanging Ina The Reunion,’ may malaking concert, saka ‘yung album ko.

B: Pinagmitingan na ba nila ang tungkol sa 25th year niya sa showbiz?
ADA: Nagpunta sila (Star Cinema) rito sa akin, sina Tita Malou (Santos, Star Cinema’s Managing Director). Dinalaw nila ako.

B: May maganap kayang wedding proposal sa concert niya?
ADA:  Ay! Ha-hahaha! Hindi, manonood lang ang mga ‘yan (Gerald at mga anak niya) doon. Hayaan natin siya sa diskarte niya kung kailan man ‘yun. Siya lang ang nakakaalam. Hayaan na natin siya. Huwag nating bigyan ng ideya.

Saka ‘wag na ‘yung…alam mo ‘yung hard sell. Hayaan nating dumaloy ng tama. Kasi ang hilig-hilig ko’ng mag-ganyan.  ‘Yan nga ang sinasabi nila sa akin, ang hilig ko raw mag-push, e. Push nang push.

Let it flow, hindi let it go, haha! Oo, totoo ‘yun. Kung ano na lang ang dumating. Kung ano na lang ang gusto ni Lord, game. Hindi na ako nagpu-push, hindi na ako nagiisip.

B: Kailan siya magsisimulang mag-shooting para sa “Ang Tanging Ina The Reunion?”
ADA: Sa January pa ang shooting namin.

B: What about ‘yung movie niya with Kim Chiu and Xian Lim?
ADA: Nasa one fourth na. November 26 pa naman showing noon. ‘PastTense,’ ‘yun na ang title. Hindi na babaguhin. Cute ‘yun, e. Ah, pag natapos na ‘yung soap ni Kim, basta last week ng October something, araw-araw na kaming magsu-shoot.

Parati naman ako may movie, once a year. Para hindi naman nila ako ma-miss. Paglabas ko ng ospital, nagpahinga muna ako for two weeks. Siguro si Kim marami na silang nakunan.

B: Ano ang exciting sa movie nila na “Past Tense”?
ADA: First time ko ‘yung role na ‘yun. Hindi ko pwedeng sabihin, e. Kasi kapag sinabi ko na ‘yun, ‘yun na ‘yung buong movie. Promo na ‘yun.

B: Kumusta katrabaho sina Kim at Xian?
ADA: Nakatrabaho ko na sila sa soap (opera), sa My Binondo Girl. First time namin sa movie ni Kim. Si Xian din, first time namin sa movie.

Magaan sila katrabaho, kasi magaling naman ‘yung dalawang ‘yun. Saka tahimik ang Kim-Xi. Tahimik din ang buhay-buhay lovelife nila.

Sabi ko kay Kim ‘di ba masarap ang lovelife natin ‘pag tahimik? Tumatagal, ‘di ba? Sabi ko ‘yan ang gusto kong relasyon, tahimik lang. Magugulat ka na lang, limang taon na.

B: Sa November 8 na ang birthday niya. Ano  ang wish niya?
ADA: Siyempre, kahit ka-showbisan, gusto ko super blockbuster ang movie namin nina Kim at Xian. In fairness, positive. Marami silang fans at mayayaman. ‘Yung mga fan nila, ‘di ba dapat poster-poster lang? Sila, led, huh!

Nagulat nga ako, e. Sa shooting nga binibigyan sina Kim at Xian ng fans nila ng food. Mayayaman talaga sila. Minsan binibigyan ako ng cake. Ang daming cake! Sabi ko, ‘Ano ‘to?’ ‘Bigay po ng fans!’ Taray! Mahal na mahal din ako ng faney nila. E, mahal ko rin naman kasi ‘yung dalawang ‘yon.

B: Anong sikreto ng 25 years sa showbiz?
ADA: Sabi nila, naalala ko tuloy si Mang Gerry, ‘yung tatay ni Regine. Sabi ni Mang Gerry, ‘Alam mo sa totoo lang, ha, eto ang basa ko sa showbiz, hindi lahat ‘yan talent. Marami diyan pakikisama.’

Tsaka siguro nakikita naman nila ang sincerity nang pakikisama ko sa mga tao sa buong showbusiness. Saka sa mga fans, ganyan, ganyan. Mabait naman talaga ako sa kanila, e.

Kahit na sinasabi nila pinaplastik ka ni ganito, pinaplastik ka ni ganyan. ‘Yung trato ko sa kanila, totoo. ‘Yung galing sa puso ko. Hindi ko sila pinaplastik.

Kasi ‘yung ibang artista talaga sinasabi nila na ano, ayoko kasi noon, e. Eto ang sinabi ko kay Direk Wenn (Deramas). Sabi niya sa akin, ‘Ai, bakit mabait ka?’ Sabi ko, ‘Gusto ko kasi Direk kapag namatay ako, kapag pumupunta sa wake ko, kapag sumilip sila sa kabaong ko, isa lang ang sinasabi. ‘Hindi ako pinahirapan ni Ai Ai sa buong buhay ko,’ ganoon.

‘Mabait siya,’ ganoon. Biro mo pumupunta ka na sa langit, minumura ka pa? Gusto mo ba ‘yun? Parang, ‘Buti nga sa ‘yo namatay ka na, e,’ ‘yung ganoon.

B: Sa tingin niya saan galing ang swerte niya?
ADA: Destiny, bigay ni Lord. Lagi kong sinasabi sa kanya, ‘Lord, kung itong kasikatan ko hindi ko na deserved, tanggalin mo na sa akin. Pero hangga’t deserved ko ang kasikatan ko at nakakapag-blessed ako ng ibang tao, sikat pa rin sana ako kahit matagal na matagal na ako.

Parang Hollywood star? Ang Filipino (star) kasi madaling malaos, e. Ang Hollywood star kahit matanda ka, sikat ka, ‘di ba?
Gusto ko Hollywood star ang dating ko rito sa Pilipinas na kahit matanda na ako nirerespeto pa rin ako, sikat pa rin ako. Parang Eddie Garcia or Gloria Romero, boom! Ay, si Ate Vi pa (Vilma Santos)!

B: May special celebration ba sa birthday niya?
ADA: Wala, meron lang badminton tournament. Mag-e-enjoy lang ako.

B: Marami ang nagsasabi na hindi raw halata sa mukha niya ang kanyang edad. Tama ba?
ADA:   Oo, hindi halata. Dati siya (Gerald) hindi niya alam ang edad ko, e. Hindi ko sinasabi. ‘Di ba, Bebeh? Ha-hahaha!

B: Paano niya nalaman?
ADA: E, nagpapabili ako ng rubber shoes. Binibilhan niya ako, sa internet. E, hindi ako marunong. So, siya ‘yung bumibili. Tapos tinanong niya, ‘Ano ngang birthday mo?’ Tapos ilalagay ko, ‘Akin na nga, akin na.

Ako na ang maglalagay.’ E, na-busy ako, siya na lang ang naglagay. Kaya nalaman din niya. Kahit mga kaklase niya nasa-shock, e. ‘Kala namin si Ms. Ai 30’s lang.’

B: Paano niya na-maintain ang pagiging bata ng hitsura niya?
ADA:‘Yun ang hindi ko alam. Sikreto? ‘Yun nga raw, Law of Osmosis sabi nila. Na kapag bata ang kasama mo nakukuha mo ‘yung kabataan niya. Pero lalaki lang ang nakakapagbigay noon.

Babae na bata hindi nakakapagbigay sa lalaki. Ang lalaki lang ang nakakapagbigay sa babae.

B: May material gift ba siya na gustong matanggap on her birthday?
ADA: Wala na. Siya na lang (sabay turo kay Gerald). May dream siya, e, bumili ng bahay namin. ‘Yung siya, ha, hindi ako ang bibili.

B: Ano ang napi-feel niya kapag nagda-dialogue sa kanya si Gerald ng ganu’n?
ADA: Wala, alam ko na binigay ‘to sa akin ni Lord sa lahat ng hirap ko sa mga lalaking nakarelasyon ko. Hindi totoo.  Kinukwento ko nga sa kanya. Sabi ko, ‘Alam mo, ang buhay ko parang MMK talaga. Hindi mo aakalain na meron palang ganoong relasyon, may ganoong tao, may ganoong lalaki, ‘di ba?

B: Ano ang plano nila sa relasyon nila?
ADA: Wala, ‘yun na ‘yun. Tahimik lang. Private na lang. Sa Abu Dhabi nga pinipiktyuran siya, sabi ng road manager ko na kasama, ‘Hindi naman siya artista, huwag nang piktyuran.’ ‘Di ba totoo naman.

B: Ano naman ang reaksyon kay Gerald ng mga schoolmate niya sa La Salle?
ADA:   Wala, pinag-uusapan siya. Ano’ng pakialam naman daw niya? Titingnan daw niya tapos lilingunin niya. Ha-hahahaha! Pero sabi ko sa kanya, be nice.

B: Kumusta naman ang first out of the country nila together ni Gerald nu’ng mag-concert siya sa Abu Dhabi? May na-discover ba siya kay Gerald?
ADA:  Mabait siya talaga. Sabi ko nga sa kanya, alam sa totoong buhay mabait ka talaga. Makikita mo naman, e. Maoobserbahan mo.

B: May mahihiling pa ba siya?
ADA:  Wala na, sobrang swerte ko na, ‘di ba? May career ako, may lovelife pa ako. Bihirang magsabay ‘yun sa isang artista ‘di ba?  Meron lang noon si Sharon (Cuneta) at si Ate Vi. O,  pangatlo na ako ngayon.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Totoo naman, e. Sino lang ang may magandang lovelife? Si Sharon at si Ate Vi, ‘di ba?  Hindi nga lang ako kasal. Pero alam ko masaya ako sa kanya. Maayos ang lovelife ko. Hindi pa kaya kami nag-aaway niyan.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending