Binay di dapat puro pinupolitika lang ang sagot
ANO bang masama kung pinupolitika si Vice President Jejomar Binay?
Wala namang naniniwala na hindi politika ang nasa likod ng paglabas ng mga alegasyon kay Binay lalo at nagdeklara na siyang tatakbo sa 2016 presidential elections.
Hindi naman ako naniniwala na si Binay lang ang pinupolitika. Lahat ng kandidato ay pupulitikahin din ng kanilang mga kalaban. Ngayon nga lang, nakasentro ito kay Binay hinggil sa umano’y anomalya ng kanyang pamumuno sa Makati na ipinasa niya sa kanyang anak.
Ganito ang halalan sa ating bansa, batuhan ng putik.
At siguro ay hindi dapat umangal si Binay kung pinupolitika siya. Alam na niyang mangyayari ito, at tiyak na pinaghahandaan na rin niya ang mga banat na ito sa kanya.
Ang sabi nga ng ilan, maagang nagdeklara si Binay para ang lahat ng sasabihin laban sa kanya ay masasagot niya ng pamumulitika.
Ang dapat sigurong gawin ni Binay ay patunayan na mali ang mga paratang sa kanya. Kung totoo na wala siyang ninakaw sa Makati, patunayan niya. Hindi puwedeng sasagutin nya ng pamumulitika lang ‘yan.
Kung walang dumi na itinatago si Binay, walang maibabato sa kanya.
Hindi rin yata maganda na hindi humaharap ang mga Binay sa mga nagpaparatang sa kanila.
Lumalabas kasi na hindi nila kayang salagin ang mga alegasyon, kaya umiiwas sila sa mga imbestigasyon.
Sa pagbaba ng rating ni Binay sa survey ng Pulse Asia, asahan niya na lalo pang titindi ang pagbanat sa kanya.
Hindi lang bumaba ang bilang ng mga nagsasabi na iboboto siya, bumaba rin ang mga nagtitiwala at aprub sa kanyang mga ginagawa.
Ang tingin tuloy ng marami ay magagaya si Binay kina Sen. Raul Roco at ex-Vice President Noli de Castro.
Napakataas ng rating noong malayo pa ang eleksyon pero nawala ng malapit na ang halalan. Si Roco ay natalo kay dating Pangulong Gloria Arroyo, samantalang si De Castro ay hindi tumakbo.
Sunod-sunod ang aberya sa Metro Rail Transit.
Ang sabi, malas ang Aquino administration dahil sa kanila inabot ng sira ang pinakaabalang tren ng bansa.
Ang tanong: makaka-apekto ba ang aberya sa tren sa magiging kandidato ng administrasyon?
At kung ganito ang nasa isip ng ilang botante, marahil ay madaliin na ang pagpapagawa sa mga problema ng tren.
Bago mag-2016 dapat ayos na ang MRT? At kung hindi baka sabihin ng makakalaban ng manok ng administras-yon, tren lang hindi pa maipaayos.
At sa ganitong sitwasyon, paano nga naman makakapagtaas ng pasahe sa MRT?
Sa Pilipinas, marami ang gustong magkaroon ng sariling sasakyan dahil mahirap ang mag-commute.
Kung maayos ang train system ng bansa, mababawasan ang mga may gustong bumili ng sariling sasakyan lalo at mahal na ang gasolina.
Kaya nawa ay maging maayos na ang sistema ng ating tren at tiyak luluwag din ang daloy ng trapiko.
Editor: May komento o tanong ka ba hinggil sa artikulong ito? I-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.