Buwan ng Kape | Bandera

Buwan ng Kape

Ige Ramos - October 06, 2014 - 03:00 AM

bandehado

SABAY na ipinagdiriwang ngayong buwan ang Coffee Month at ang Indigenous Peoples Month.  Sadyang itinadhana ang mga kaganapang ito dahil nangunguna ang ating mga katutubo sa pagtanim, pag-aalaga at pag-aani ng kape.

Lingid sa kaalaman ng nakakarami, 70 porsyento ng kape na itinatanim sa ating bansa ay nagmula sa mga kabundukan ng Mindanao. Sumusunod lamang ang Batangas at Cavite.

Ang Philippine Coffee Board, Inc. (PCBI) sa pamumuno ni Chit Juan, ay nagtungo sa Davao upang isaayos ang isang linggong pagdiriwang na magaganap sa buwan na ito.

Binansagang “Coffee Origins,”  ang pagdiriwang ay gaganapin Oktubre 13-17 sa Abreeza Mall sa Davao. Magkakaroon ng mga exhibit, palabas at mamumudmod ng libreng kape para sa lahat sa loob ng isang linggo.

Mayaman ang Mindanao sa kape. Ito ay itinatanim sa mga bulubunduking lugar tulad ng Mt. Apo sa Davao, Mt. Matumtum sa Cotabato, Mt. Kitanglad sa Bukidnon, kasama rin dito ang mga mabababang burol ng Basilan, Sulu, CARAGA, Sultan Kudarat, at mga lugar na may higit kumulang na may 300 metro ang taas mula sa dagat.

Ang Arabica ay isa sa mga popular na uri ng kape. Lumalago lamang ito sa mga mataas na lugar na may 1,500 metro ang taas mula sa dagat. Isa sa mga sikat na kape na nagtamo ng karangalan ay ang Kapatagan Coffee na ginawa ng Mt. Apo Roasting Factory na pag-aari ni Philip “Sonny” Dizon.

Kung nais mo naman makatikim ng kakaibang kape, alay nila ang  Kapatagan Civet o di kaya ang Peaberry Civet na nagmula sa dumi ng alamid o musang.

Ang civet na kilala sa pangalang alamid o musang, ay isang mailap na malapusang hayop na kumakain ng mga butil ng sariwang kape mula sa puno.

Dahil hindi natutunaw ang mga buto ng kape sa kanilang sikmura, ito ay kanilang inilalabas at pinupulot ito ng mga magsasaka sa kaparangan at saka ito hinuhugasan, nililinis, pinapatuyo, tinutusta at ginigiling at inahain bilang specialty coffee.

Hindi biro ang presyo nito.  Hindi madali ang pag aani ng kape, ayon kay Chit Juan. Mayroong mga hagdanan na sadyang ginawa para sa pag-aani ng kape sa kabundukan ng Mt. Apo.

Dahil inaani lamang ang mga mapupulang bunga ng kape at iniiwan ang mga berde at bubot na bunga. Ang mga naipong bunga ay pinoproseso sa Davao, ito ay pine-ferment (upang mangasim) at pinapatuyo hanggang handa na itong tustahin.

Sa darating sa pagdiriwang ng Coffee Month sa Davao, magkakaroon na ng pagkakataon na matikman ng mga magsasaka ang kape na kanilang tinanim.

Dito na rin nila masisilayan kung papaano mag-ibang anyo ito mula sa pula at luntiang bunga, hanggang sa ito ay maging ginintuang moreno matapos itong matusta.

“Marami sa mga katutubong magsasaka ay hindi nakakatikim ng kanilang inaning kape dahil pagkatapos itong anihin ay dinadala na ito sa mga roasting centers,”ani Juan.

Ipinaliwanag niya na ang pagtutusta ng mga butil ng kape ay isang mabagal at matagal na proseso. Sa roasting facility ni Dizon, hindi malakas na apoy, ngunit nagbabagang uling lamang ang kanilang ginagamit, kaya hindi lasang sunog at mapait ang kanilang kape.

Sa ganitong paraan, unti-unting lumalabas ang mga purong langis na nagbibigay ng mabangong samyo ng kape. Ang estilo ng paraan sa pagtusta ng mga butil ng kape ay kanilang hiniram mula sa mga Hapon na ang tawag ay “Sumiyaki Style” na kanilang ginagawa sa matagal na panahon.

Hindi rin katakataka dahil ang mga Hapon, ay pangalawang pinakamalaking consumer ng kape sa buong mundo, kaya naperpekto nila ang pagtusta sa ganitong paraan.

Inaasahan ng PCBI na makapanayam at makilala ang mga magsasaka ng kape sa darating na National Coffee Summit sa Mindanao, upang bigyan sila ng inspirasyon upang magpursige na higitan pa ang kanilang ani upang matupad ang lokal na pangangailangan at gayun din ang export nito sa ibang bansa.

Pangarap ni Juan na makainom ng Kapatagan Coffee ng Mt. Apo araw-araw, kasama na rito ang Matumtum at Bukidnon na may taglay ring kakaibang lasa.

Kaya ang payo niya ay patalasin ang inyong kaalaman sa Philippine Geography at siyasatin kung saan nagmula ang mga kapeng may tatak na “single origin”. Ito ay ang Apo, Matutum, Kitanglad, Sultan Kudarat, Kalamansig, at Sulu.

ACTIVITIES FOR COFFEE MONTH by Philippine Coffee Board
October 11- Coffee 101 Seminar and Cupping Seminar, Enderun, Taguig City
October 13-17- Coffee Origins, Abreeza Mall, Davao City. Free coffee all week.
October 15- Seda Hotel, Davao City, National Coffee Summit
October 16- Seda Hotel, Davao City ,Philippine Chocolate and Cacao Summit
October 17- Cupping with Kat Mulingtapang, ECHOstore Café , Davao City
October 18- Nestle Farm Tour, Tagum, Davao
October 25- Cavite Farm Tour,  Organic coffee and Cavite State University
Please call 0908-8831218 or (02)8131028 or email [email protected] for reservations and inquiries

Kung may katanungan o mungkahi, mag text po lamang sa 09175861963.  Huwag kalimutan ang pangalan at lugar.

Kat Mulingtapang, coffee taster

TRABAHO ni Mulingtapang ang tumikim ng mula 75-80 tasa ng kape. Isa siyang dalubhasa sa larangan ng pagtikim ng kape.
Ang “cupping” o pagtikim ng kape ay my sariling wika at pamantayan.

Sa pamamagitan ng mga pandaigdigang samahan tulad ng Coffee Quality Institute, Specialty Coffee Association of America (SCAA) at Specialty Coffee Association of Europe (SCAE), kanilang sinusubaybayan, sinusukat at nilalapatan ng tamang grado o antas ang kalidad ng isang kape.

Tulad ng alak, ang kape ay minamarkahan upang bigyang-katwiran ang halaga nito sa merkado. Kaya nasa kanyang mga kamay (o dila) ang tagumpay ng pang-ekonomiyang hinaharap na ani ng kape.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Magsasagawa ng isang Cupping Course si Kat Mulingtapang, bilang bahagi ng International Women’s Coffee Alliance at Philippine Coffee Board sa pagdiriwang Coffee Month  sa Oktubre 11 sa Enderun Colleges.

Sa mga intersado: mag-email sa [email protected], mag-text o tumawag sa 09088831218 o tumawag sa 8565000 loc 505.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending