MATINDI ang pagtutol ng mga maninigarilyo, hindi kasama ang Ikalawang Aquino, sa pagtaas ng presyo (bunsod ng nakaambang pagtaas ng mataas na buwis) ng dahong tabako.
Meron ding pagkilos sa lehislatura para itaas ang presyo ng alak (dahil itataas din ang buwis nito).
Para sa manananim ng tabako, magsasaka man o mga may-ari ng malalaking pabrika, nangangamba sila na kapag di na abot ng karaniwang mamamayan ang presyo ng sigarilyo ay baka magbawas ang mga ito sa nauubos na stick sa isang araw, o tuluyan nang di manigarilyo.
Siyempre, unang babawasin ay ang bilang ng nagagawa sa mga pabrika.
Siyempre, uunahin ang mahahalagang bagay sa buhay at bahay, bago ang bisyo (para sa maraming maninigarilyo, hindi ito uri ng bisyo kundi tinatamasang kalayaan lamang, pang-alis ng bagot at pangangailangang sila lamang ang nakauunawa na di dapat ipagkait kahit ano pa ang pananakot na magkaka-cancer at mababaog ang humihithit.
Sa alak, para sa taumbayan at nakararami, noong Disyembre pa lang ang tumaas na ng P5-P8 ang litro ng lite brandy na kanilang nakagiliwan.
Kung tataas pa ang presyo nito ay tanging mayayaman na lang ang puwede mag-relax.
Para sa maninigarilyo’t manginginom, ang dapat bang lumasap ng kalayaan ay mayayaman?
Pasahe’t pagkain
MATAAS na presyo ng pasahe’t pagkain. Di na mapipigilan ang mga iyan dahil hindi naman talaga pinipigil.
Ang press release ng gobyerno na may ipinamumudmod namang pera sa mahihirap ay di pinaniniwalaan ng arawang obrero dahil wala naman silang natatanggap na CCT (conditional cash transfer).
Ang “Panawid” sa mga jeepney at tricycle driver ay di matatawag na panawid dahil halos araw-araw na ang pagtaas ng presyo ng gasolina’t krudo.
Isang bagsak lang ay lanus ang panawid, kaya’t bukas ay wala na.
Kaya’t sa susunod na araw na tataas na naman ang presyo gasolina’t krudo ay talagang wala nang panulong.
Sa isang banda, makokontrol nga ang taumbayan na pinagkakaitan ng ginhawa sa buhay, tulad ng sapat na suweldo at mababang presyo ng mga bilihin.
Maliban na lang kung sisibol na ang isang lider para sila’y lumabas sa kalye magprotesta, at mag-alsa, ang huli at nalalabing hakbang at paraan ng desperadong di pinapansin dahil tapos na ang eleksyon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.