Pamilya ginigipit sa sustento ng OFW | Bandera

Pamilya ginigipit sa sustento ng OFW

Susan K - October 01, 2014 - 03:00 AM

REKLAMO ni YP ay kulang na kulang umano ang allotment na tinatanggap niya mula sa asawang seafarer.

Third engineer ang mister niya sa barko. Apat ang kanilang anak. Isa ang nasa kolehiyo, dalawang high school at Grade 3 ang bunso. Pawang sa private school nag-aaral ang kanilang mga anak.

Nang huling sumakay ng barko ang mister, P35,000 ang kanyang allotment, kwento ni misis.

Noon pa man ay kulang daw ang halagang ibinibigay sa kanya ng mister para sa mga gastusin sa bahay.

Ang matindi pa, kapag nag-aaway sila ni mister, binabawasan niya ang kanyang padala at minsan pa nga, talagang paninindigan nitong hindi magpadala sa kanila. Natitiis daw sila ng kanyang mister.

Reklamo pa ni YP nang humingi siya ng kopya ng kontrata ng asawa sa kanyang manning agency ay hindi siya binigyan.

Wala naman siyang magawa at hindi niya mapilit ang opisina ng asawa.

Nakatakdang sumakay uli sa barko si mister. At ngayon pa lamang, sinabihan siya na ang anak na lang nilang panganay ang tatanggap ng buwanang sustento tutal nasa hustong edad na ito.

Masamang-masama ang loob ni YP dahil sa panggigipit sa kanya ng asawang seaman.

Bagamat may maliit na tindahan si YP ay hindi pa rin ito sapat para sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga anak.

Nais niyang maayos sana ang lahat at obligahin ng tamang suporta si mister bago pa ito muling sumakay ng barko.

Sisikapin ng Bantay OCW na makausap ang ating seafarer upang hindi na umabot sa pagsasampa ng pormal na reklamo at kaso ang usaping ito. Kailangan nila ng suporta na sasapat man lang sa apat nilang mga anak, at iyon lang naman umano ang pakiusap ni YP.

Tulad ng dati, handang mamagitan ang Bantay OCW sa ganitong klase ng mga sigalot.

Reklamo rin ni LP ang asawang OFW na may kinakasamang babae sa Kuwait at hindi na rin nagpapadala ng sustento sa pamilya.

May nakausap umano siya sa agency ng asawa na kaniyang pinagrereklamuhan na magtungo na lamang sa Bantay OCW at idulog ang kanyang problema.

May 15 years na silang kasal ng OFW ngunit umamin din ang mister nitong nagpakasal din siya sa Kuwait. May asawa rin sa Pilipinas ang babaeng pinakasalan niya.

Nagpunta na siya sa OWWA ngunit hindi daw nila sakop ang ganoong kaso. Maging ang ahensya ay walang magawa para tulungan si LP.

Kaya hinagilap ni LP ang Bantay OCW sa Facebook at nakapagpadala siya sa amin ng mensahe.

Sisikapin din naming makausap ang OFW sa Kuwait at katulad ng kaso ni YP susubukan muna natin silang obligahin pareho at makuha na muna sa magandang usapan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon. Maaaring magpadala ng email sa: [email protected]/ [email protected] o mag-text sa 0927.649.9870

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending