Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
4 p.m. FEU vs La Salle (Final Four)
PUWESTO sa finals ang balak na tuhugin ng Far Eastern University sa pagsukat uli sa nagdedepensang kampeon De La Salle University sa 77th UAAP men’s basketball Final Four ngayon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa ganap na alas-4 ng hapon ang bakbakan at kailangan lamang ng Tamaraws na manalo para umabante sa best-of-three finals.
Sa kabilang banda, kailangan ng Green Archers na makuha ang larong ito para maihirit ang sudden-death.
Nagkaroon ng twice-to-beat advantage ang tropa ni FEU coach Nash Racela dahil sa 65-60 panalo sa playoff noong Setyembre 21.
Malakas na panimula ang kinapitan ng FEU para makalayo agad upang magkaroon pa ng lakas na maisantabi ang rally na ginawa ng Archers sa second half.
“We are treating these games as a do-or-die because we don’t want to give La Salle any chance,” wika ni Racela na balak na tumapak sa finals sa pangalawang taon bilang mentor ng koponan.
Hindi naman basta-basta papayag ang tropa ni La Salle coach Juno Sauler para manatiling buhay ang hangaring maidepensa ang kampeonato.
Aasahan niya tiyak ang pagbabalik ng tikas ng laro ni Jeron Teng bukod ang pagdodomina ng mga malalaking manlalaro tulad nina Norbert Torres, Arnold Van Opstal at Jason Perkins.
Sa panig ng Tamaraws, ang ipakikitang laro ng mga beterano na sina Mike Tolomia, Mac Belo, Roger Pogoy, Carl Bryan Cruz at Anthony Hargrove ang mga maghahatid sa mahalagang panalo para sa koponan.
Nauwi naman sa sudden-death ang isang Final Four sa pagitan ng Ateneo de Manila University at National University at ito ay paglalabanan sa Miyerkules.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.