ITINALA nina Jeffrey De Luna at Jeffrey Ignacio ang isa sa nakakagulat na upset win matapos pataubin ang kanilang mas beteranong katunggali para mauwi ang $40,000 pangunahing premyo sa MP Cup GenSan Tuna Festival International Open Billiards doubles event na ginanap sa SM City Mall sa General Santos City.
Ipinakita ang lalim ng talento ng mga Pinoy na dumagsa sa pagselebra ng ika-16 na pagdaraos ng Tuna Festival sa GenSan, lumabas ang kahusayan at karanasan ni De Luna habang ang mabangis na talento ni Ignacio para patumbahin ang mga pinapaborang mga kalaban sa pagtala ng nakakagulat na panalo sa quarterfinals at semifinals tungo sa pagpapataob sa finals ng top seeded na pares nina Thorsten Hohmann at John Morra, 11-6.
Naging matamis at personal na tagumpay ito para kay De Luna, na tinalo ni Hohmann sa quarterfinals ng 2013 World 9-Ball championship singles event sa Qatar. Sumandal din si De Luna at ang kanyang 22-anyos na doubles partner na si Ignacio sa suporta ng mga manonood na nanood ng kanilang mga laban.
Ginastusan ni multi-division boxing champion at Sarangani Rep. Manny Pacquiao ang $100,000 tatlong-araw na kumpetisyon na sinalihan din niya na kung saan nasiyahan siya sa naging resulta at may plano na siyang magsagawa ng mas malaking event na posibleng gawin sa darating na Disyembre 8 hanggang 17.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.