Derek hindi na kailangang magbenta ng katawan sa mayayamang beki at matrona
Ayaw talagang tantanan ng intriga at kontrobersiya ang maginoong hunk actor n si Derek Ramsay. Hindi pa man nangangalahati ang pakikipaglaban niya sa asuntong isinampa laban sa kanya ng ina ng kanyang anak ay may bago na namang isyung ikinakabit sa kanya.
May nagpapanggap sa social media na siya si Derek Ramsay. Usung-uso ngayon ang pamemeke ng mga account, nagpapanggap na sila ang personalidad, pero mas matindi ang ginawa ng poser ng hunk actor.
Habang abalang-abala si Derek Ramsay sa ikalawang sultada ng kanyang programang Amazing Race Philippines ay napakalakas naman ng loob ng kung sinumang nagpapakilalang siya sa social media.
Nakakaloka dahil kunwari pa’y nagbebenta ng condo units ang poser niya, pero mas nakakalokang malaman na ibinebenta ng nasabing poser ang kanyang sarili, gamit-gamit ang pangalan ng hunk actor.
Sino naman ang maniniwalang matindi ang pangangailangan ni Derek, samantalang lantad naman sa ating lahat ang estado ng pamilyang pinagmulan niya, hindi na nga kailangang magtrabaho pa ng hunk actor para lang siya mabuhay nang disente.
Huwag magpapaniwala sa mga posers, huwag magtitiwala sa mga nagpapanggap, walang-walang alam si Derek Ramsay sa mga kalokohang pinagsasasabi ng nagpapakilalang siya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.