Tropa ni Jay Taruc nanakawan sa Europe
ANGKAS na sa pinakaengrandeng paglalakbay ng Motorcycle Diaries ng GMA News TV dahil lilibutin ng broadcast journalist na si Jay Taruc ang Europa simula ngayong gabi para sa 3rd anniversary special ng programa – ang Europe Expedition.
Sa Europe Expedition, bibisitahin ng Motorcycle Diaries ang limang bansa sa Europe – Austria, Germany, Italy, France, at Vatican City –sa loob ng limang linggo simula Set. 4 kung saan matutunghayan ang ibat’t ibang kuwento ng mga tao, kultura, pagkain, pasyalan at maging ng mga Pilipinong naninirahan sa mga nasabing lugar.
Kasama ang kaibigan at kapwa rider na si Joey Almeda, unang destinasyon nila ang mga bansang Austria at Gernany. Sa Austria, dadaluhan ng grupo ang isang motorcycle conference kung masasaksihan nila ang makapigil hiningang freestyle aerial stunt ng grupong FMX4ever.
At sa isang pambihirang pagkakataon, makakapasok ang Motorcycle Diaries sa pagawaan ng KTM na kilalang brand ng motorsiklo roon. Sa kanilang paglilibot dito, makikilala nila ang Pinay engineer na si Ardaye, ang nag-iisang Pilipino na nagtatrabaho sa kumpanyang ito.
Ilang sikat na pasyalan at bahay naman ng mga kilalang tao ang masisilip rin nina Jay sa Salzburg, Austria tulad ng bahay ni Wolfgang Amadeus Mozart.
Mula Austria, pupunta naman sila sa Munich, Germany. Kilala ang Marienplatz o St. Mary’s Square sa Munich bilang pangunahing pasyalan dahil sa mga natatanging arkitekturang makikita rito tulad ng Neues Rathaus o bagong City Hall ng Munich na sinimulang itayo noong 1867 at natapos noong 1909.
Pero hindi lahat ng paglalakbay ay puno ng saya dahil naranasan ng grupo ng Motorcycle Diaries ang manakawan sa Europa. Tutukan lahat ng ito sa five-part anniversary special ng Motorcycle Diaries simula ngayong Sept. 4, 10 p.m. sa GMA News TV.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.