‘Beki song’ ni Michael Pangilinan nakakalungkot, nakakaiyak
Nu’ng Biyernes lang namin napakinggan sa aming programa sa radyo ang opisyal na lahok nina Direk Joven Tan at Michael Pangilinan sa darating na Himig Handog.
Binigyan ng hustisya ni Michael ang piyesang “Pare, Mahal Mo Raw Ako.” Ang sentrong mensahe ng kanta ay ang pagmamahal ng isang becki sa kanyang kaibigang straight.
Kapag sinabing straight ay lalaking-lalaki talaga, walang halong berde ang kulay ng kanyang dugo at kasarian, babae ang kanyang hanap at hindi becki.
Hindi lang kami ang nagkagusto sa pagkakanta ni Michael Pangilinan at sa komposisyon ni Direk Joven Tan, kahit ang mga tagapakinig namin ay sunud-sunod na nagbigay ng reaksiyon, panalo raw ang kanilang tambalan.
Kuwento ito ng isang becki na nahulog ang damdamin sa kanyang kaibigang lalaki. Nu’ng minsan itong nalasing ay naglabas ito ng emosyon para sa kanyang kaibigan.
Pero tinanggihan ‘yun ng lalaki, hindi raw maaaring mangyari ang gusto ng becki, pero sa kanyang pagtanggi ay sinabi niya na hindi masisira ang kanilang pagkakaibigan at ni pag-iwas ay hindi niya gagawin.
Humihingi ng dispensa ang lalaki, hindi para sa kanilang dalawa ang gustong mangyari ng becki, pero ang nasimulan nilang pagkakaibigan ay hindi maaaring wasakin ng sitwasyon.
Isa pa lang ang minamanok naming lahok sa Himig Handog, ang “Pumapag-ibig” ni Marion Aunor na komposisyon naman ni Jungee Marcelo, pambagets naman at napapanahon ang mga lyrics ng piyesang panlaban bilang interpreter ni Marion Aunor.
Pero ngayon ay dalawa na.
Sabi ng mga becki ay nakakalungkot-nakakaiyak daw ang “Pare, Mahal Mo Raw Ako” ni Michael Pangilinan. Napakasakit sabi nga ng aming kapatid sa Radyo Singko na si Danton Remoto, kaya ang kanyang payo, “Mga becki, huwag kayong maiinlababu sa mga straight. Babae ang kanilang hanap, hindi tayo!”
Ha! Ha! Ha! Ha!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.