P1 bangus, P1 tilapia, P1 pusit | Bandera

P1 bangus, P1 tilapia, P1 pusit

Lito Bautista - August 29, 2014 - 03:00 AM

IYAN ang hapunan, kasama ang dalawang supot ng kaninbaw, ng dalawang matanda na mangangalkal ng basura sa gilid ng bangketa sa kalye Quiricada, Santa Cruz, Maynila. Iyan na lamang ang kanilang hapunan dahil hindi sila kumita sa maghapon.
Hindi nila kaya ang sigla ng kabataang namumulot ng bote ng mineral, plastik, atbp., na kayang tumakbo kapag napansin na may nag-iwan ng supot ng basura sa bangketa, na dadamputin na lamang kapag dumaan ang Leonel. Hindi na kayang tumakbo ng dalawang matanda.

Tama ang presyo ng bangus, P1; tilapia, P1; at pusit, P1. Tatlong flavor ang mga ito ng pinakamurang fish cracker, na dahil nalalasahan nga ang bangus, tilapia at pusit, ay kinakain din ng mga nag-iinuman bilang pulutan, saka isinasawsaw sa maanghang na suka.

Ang kaninbaw ay kanin na may hiwalay na plastik na sabaw ng tila nilagang baka o nilagang baboy, o tinola, wala nga lang laman ng baka, baboy o manok. Ang sabaw ay mula sa pinakuluang meat cubes. Wala ni isang dahon ng gulay pero meron naman pira-pirasong pinong paminta at medyo sagana sa asin o patis.

Ang dalawang matanda na mangangalkal ng basura ay mga boss din naman ni Pangulong Aquino. Bilang mga boss ni Aquino, tatanungin ba sila kung payag sila sa pagpapalawig ng termino ng anak nina Ninoy at Cory? Naiintindihan ba nila ang pagpapalawig ng termino ng pangulo? Makikipag-debate ba sila hinggil sa pagpapalawig ng termino ng pangulo?

Matagal nang alam na ang pumatay sa car racer na si Enzo ay riding in tandem. Sa mga lungsod sa Metro Manila na galit sa mga nakamotor ay ginamit pa ang nangyari kay Enzo para ipagtanggol ang kanilang baluktot na mga ordinansa, tulad ng dapat ay kapamilya lang ang kaangkas. Ngayong nabuking na ang riding in tandem ay pulis pala at upahang mamamatay-tao, ano ngayon ang masasabi ng mga alkalde na galit sa mga nakamotor?

Kapag ang riding in tandem ay mga pulis o sundalo na, kawawa ang mga sibilyan na nakamotor na ginagamit lamang ang ganitong uri ng murang sasakyan para makatipid sa pasahe at makarating sa trabaho nang nasa oras at hindi nababalam sa mabigat na trapiko.

MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Mirisi ni Ramon Bautista, kulang pa ng ideklara kang persona non grata. Kon si Digong naa adtong panahona, dila ra nimoy walang labod. Panaway raba, mura dyog guapo, nagrisngag nga ang ilong ug nagsiga ang mata. Hoy! kadaku nimong imoral. Kilatan ka pa unta. …4164

Mura na po muli ang presyo ng bawang. Pero, bakit biglang tumaas ang presyo ng isda? Pumapantay na ang presyo ng isda sa tumpok ng chop-chop na manok dito sa Commonwealth Market, QC. ….9033

Ako’y taga-Barangay Kasilawan, Makati. Ang usap-usapan dito ng mga tricycle boy ay magpapasko ang mag-amang Binay sa bilangguan. Dapat si Vice President lang ang ikulong at hindi si Mayor. Kapag nasa bilangguan na si Vice President, wala nang kalaban si Mar Roxas. Ibig ding tumakbo pagka-presidente ni Bong Revilla. Pero, nakakulong na siya. …5339

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending