KAPAG may putukan, magpapalista. Kapag tumahimik, babawiin at ayaw nang umuwi.
Ito ang tinuran ni Atty. Deo Grafil, head ng OFW Concerns mula sa tanggapan ni Vice President Jejomar Binay.
Maging sa Bantay OCW, nagsusumite ng mga pangalan ang ating mga OFW sa Libya na maipalista ang kanilang mga pangalan para makauwi ng bansa.
Agad namang makikipag-ugnayan si Grafil kay Charge’ de Affairs Adel Cruz ng Rapid Response Team ng DFA sa Libya para ibigay ang listahan.
Isa-isa namang tatawagan ang mga OFW na nagpalista. Pero, sa bandang huli, uurong naman ang mga ito dahil pakiwari nila lilipas na ang gulo. Sayang naman daw kung uuwi sila at pagdating sa Pilipinas ay walang trabahong makukuha.
Sa kagustuhan naman ni Cruz na mas marami pang OFWs ang makauwi sa bansa, hinihimok niya ang mga ito na kumbinisihin din ang mga kasamahang OFW na umuwi habang may saklolo pang dumarating.
Sarado na ang Tripoli airport kung kaya’t sa pamamagitan ng land travel o biyahe sa mga karagatan ang siyang maaaring gamitin na lamang upang makarating sa pinakamalapit na bansa tulad ng Malta at doon maaaring makasakay ng eroplano pauwi ng Pilipinas.
Umupa ng barko ang pamahalaan para maialis ang mga OFWs sa lugar.
Pero last week, iilan lang ding mga Pinoy ang nagsiuwi sa Pilipinas at ang iba ay nagbakasakali pa rin sa Libya.
Sana huwag balewalain ng ating mga kababayan ang mga pagalalang ito ng gobyerno.
Tiniyak naman ni Labor Secretary Rosalinda Baldoz ang mga attached agencies ng DoLE para mabilis na matugunan ang mga pangangailangan ng mga nag-uuwianf OFW.
Maging si Labor Undersecretary Reydeluz Conferido, hinihimok ang ating mga OFW na huwag silang matakot bumalik ng Pilipinas. May aasahan ‘anya sila sa kanilang pagbabalik. At handa silang tugunan iyon.
Ayon naman kay Labor Attache Jeff Cortazar, director ng National Reintegration Center ng DOLE, nasa barko pa lamang o di kaya’y kung saan nakahimpil ang ating mga kababayan sa Libya, inaaalam na ni Labor Attache Nasser Mustafa, ang mga kakailanganin at naising kabuhayan ng ating mga OFW.
Nagbabiyahe pa lamang sila pauwi ng Pilipinas, inihahanda naman iyon nina Cortazar at ng DOLE regional offices upang agad mapaglingkuran ang ating OFW.
Ayon kay OWWA Administrator Rebecca Calzado, bahagi ng direktiba ni Secretary Baldoz na iparamdam sa ating mga OFW, sa airport pa lamang, ang mas mabilis at pinasimpleng mga serbisyo sa ating mga kababayan. Na siya namang tinutugunan ngayon ng OWWA.
Dagdag naman ni Deputy Administrator Josefino Torres, iyon ‘anya ang tinatawag nilang Assist WELL. W-welfare, E-mployment, L-ivelihood at L-ove.
Maraming programa ang pamahalaan para sa ating mga OFW, patuloy lamang sana kayong sumunod sa mga direktiba nila, at tiyak namang matutugunan ang inyong mga pangangailangan, hindi man lahat o katumbas kaya ng inyong malaking mga kinikita sa abroad, ngunit mayroon kahit papano.
Ano nga ba ang halaga ng lahat ng inyong mga pagsusumikap kung mawawala naman ang nag-iisang buhay?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.