Kahit pinagbawalan na raw ng mga sister
Nagulat si Diether Ocampo nang makakita ng entertainment press sa photo shoot para sa bagong serye ni Zaijian Jaranilla na Lorenzo’s Time na ginanap sa ABS-CBN Studio 8 nu’ng Lunes ng tanghali dahil hindi raw sila nasabihan na may interbyuhan.
Hindi pa kasi alam ng aktor ang role niya sa serye dahil biglaan daw ang photo shoot.
Ang alam ni Diet nagustuhan ng management ang chemistry nila ni Carmina Villaroel bilang magka-loveteam.
Bukod pa nga ‘yan kay Zaijian na magiging partner ni Carmina sa nasabing soap.
Huling napanood si Diether sa Guns And Roses kasama sina Robin Padilla at Bea Alonzo kaya sabi namin ang suwerte-suwerte niya dahil hindi siya nababakante, “Oo nga, malaki ang pasasalamat ko sa ABS dahil siyempre, bihirang makakuha ng ganitong project na hindi lang basta teleserye.
Kakaiba naman ito, kasi light lang ito kumpara sa Guns And Roses na nakakapagod.
Gaganap si Diet bilang lead vocalist ng isang rock band at makakaribal nga niya si Zaijian kay Carmina sa Lorenzo’s Time. Kung paano mangyayari ito, ani Diet ay ‘yun daw ang dapat abangan.
“Bale nang nakilala ko ‘yung karakter ni Zaijian na si Enzo, nagkaroon pala sila ng past ni Jenny (Carmina), so maganda ‘yung magiging chemistry nito, very interesting ‘yung tatlong karakter dahil siya, parang nalipasan siya ng panahon pero kung ano ‘yung nararamdaman niya para kay Jenny, genuine,” kuwento ni Diether.
Parang nakikita rin daw niya kay Zaijian ang kanyang sarili nu’ng maaga siyang nagtrabaho, “Kasi at a very young age, kailangan ko nang magtrabaho para maitaguyod ko ang pamilya ko?”
Samantala, kinumusta namin ang samahan nila ni Kris Aquino, bigla kasing naputol ang komunikasyon nila dahil pinagbawalan daw ang TV host-actress ng mga kapatid niya na makipagkita pa sa kanya dahil baka masaktan na naman ang mommy nina Joshua at Bimby.
“Kanina lang, binisita ko siya sa set, eh. Kami naman, kahit hindi kami nagkikita, automatic yan, we’re always there to support each other.
“Hindi naman nahinto ang friendship.
Hindi lang kami nagkikita masyado kasi busy siya, busy ako. Ganu’n lang.
The time that we were together was when we were doing ‘Dalaw’, after that we were doing a lot of mga charity activities, mga projects,” say ni Diet.
Bagama’t hindi sila nagkikita ni Tetay, nag-text naman daw ito sa kanya nang lumabas ang resulta ng annulment nila ni James Yap.
“She actually sent me a message na ‘yun nga, she is officially free. I’m very happy for her, siyempre.
Sabi ko nga, what I can tell you is it’s time for you to start a beautiful story, di ba?”
At dahil malabo sa amin kung bakit pinahinto ng mga kapatid ni Kris ang komunikasyon nila ay diretso namin siyang tanong kung nanligaw ba siya sa TV host-actress?
“Kaibigan ko pong matalik si Kris.
Pero ipapaalam ko po sa inyo kung manliligaw ako.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.