Misteryosong peste ng ancient Athens, Ebola nga ba?
NANG bumilis ang galaw ng mundo, bumilis din ang pagkalat ng sakit.
Kaya naman nataranta ang maraming bansa upang matiyak na hindi ito makapapasok.
Kamakailan ay namatay ang Spanish priest na si Miguel Pajares matapos na mahawa ng Ebola sa isang ospital sa Liberia. Siya ang unang European Ebola patient na ibinalik sa Europa para gamutin.
Nitong mga nakaraang araw, iniulat ng World Health Organization (WHO) na 1,013 katao na ang namatay dahil sa Ebola at 1,848 iba pa ang nahawahan nito. At mataas ang mortality rate ng sakit na ito dahil umaabot sa 90 porsyento ng nahawahan ang namamatay.
Ngayon nga lang ba kumalat ang ganitong sakit?
Iniuugnay kasi ang Ebola sa isang misteryosong peste na kumitil sa buhay ng maraming tao sa sinaunang Athens.
Ayon sa ulat ng New York Times, umatake ang misteryosong sakit sa ancient Athens may 2,400 taon na ang nakararaan.
Namatay rito ang ikaapat na bahagi ng populasyon.
Ang nahawahan ng sakit ay inaapoy ng lagnat, namumula ang mga mata, nagsusuka at dinudugo, nagsusugat-sugat ang balat at nagtatae.
Isa sa mga namatay sa sakit na ito si Pericles, isang statesman na sumikat sa kanyang henerasyon.
Sa mga nakalipas na taon, maraming mananaliksik ang nagpahayag ng paniniwala kung anong sa-kit ang ikinamatay ng mga tao sa Athens.
May nagsabi na ito ay cholera, malaria, smallpox, bubonic plague, herpes simplex at maging ang toxic shock syndrome.
Ngayong tatlong medical researcher at isang propesor ang nagsabi na ang plague of Athens (circa 430-425 B.C.) ay ang sakit na alam natin ngayon bilang Ebola.
Ayon sa epidemiologist ng Naval Medical Center sa San Diego na si Dr. Patrick Olson pareho ang mga sintomas ng sakit sa Athens at sa modernong Africa kung saan nagmula ang Ebola.
Ayon sa mga naiwang datos noon, namamatay ang mga nahahawahan ng naturang sakit sa loob ng pito hanggang siyam na araw.
Ang mga doktor sa Athens gaya ng mga doktor ngayon ay nahahawa sa sakit na ito kaya ngayon ay kinakaila-ngan nila ng ibayong pag-iingat.
Ang sakit noon, kagaya ng Ebola, ay kumakalat sa pamamagitan ng dugo, laway o dumi ng taong may sakit.
Ang Ebola ay nanggaling sa Africa kaya ang tanong ay kung paano ito nakarating sa Athens. Nakahanap naman ng sagot dito ang mga mananaliksik.
Sa Santorini, isang port island na malapit sa Athens, makikita sa isang painting sa pader ang isang African green monkey, na sa ating panahon ay sinasabing may dala ng Ebola virus.
Ayon sa Athens general na si Thucydides, ang mga namatay sa misteryosong sakit ay sininok, na nangyari rin sa 15 porsyento ng mga nahawahan sa Kikiwit sa ating panahon.
Pero hindi lahat ay kumbinsido sa teoryang ito.
Sinabi ni David Morens, isang epidemiologist sa University of Hawaii-Manoa, hindi maaaring gamitin ang mga sinabi ni Thucydides bilang basehan sa pagkukumpara sa sakit na nanalasa sa Athens at sa ating panahon.
Si Thucydides, na isa sa kokonting nakaligtas sa peste, ay walang kaalaman sa medisina upang malaman ang mga nangyayari.
Maaari umanong mali ang kanyang pagkakalarawan sa sakit.
Inihalimbawa ni Morens ang sinabi ni Thucydides na ”phlyktainai,” na maaari umanong blister o paltos sa balat o kaya ay kalyo.
Ang sinasabi ni Thucydides ay maaari rin umanong smallpox na isa sa mga sakit na pinapaboran na pumeste sa Athens.
Sinabi ni Morens na tumagal ang sakit na ito ng limang taon kaya tanggal na sa listahan ang virus katulad ng influenza, na tumatagal lamang ng ilang buwan.
Punto rin ni Morens, mabagal pa ang transportasyon noon kaya imposible na makapagdala ng unggoy na may Ebol sa Athens mula sa Africa sa loob ng limang araw.
Kung mayrong sakit ang unggoy at ang taong may alaga nito. Patay na siya bago pa man dumating sa Greece.
Isa rin umanong katanungan kung nagkaroon na ng Ebola noon at nadiskubre lamang ito ng moderno nating panahon may 20 taon ang nakakaraan. Muli itong bumalik sa Zaire noong nakaraang taon.
Kung noon pang sinaunang Athens may Ebola, ano umano ang nangyari rito sa nakaraang libu-libong taon?
Noong 1976, namatay ang may 800 katao karamihan sa central Africa dahil sa Ebola.
Kung ang propesor na si Thomas Worthen naman ng University of Arizona ang tatanungin, anthrax ang tinutukoy sa Athens plague.
Ang anthrax ay isang bacterial infection na dala ng mga baka.
Sa ulat naman ng LA Times, mayroon mang butas ang teorya ng Ebola ay hindi umano ito dapat na isa-isantabi na lamang.
Nais ni Olson na masuri ang labi ng mga Athenian na pinaniniwalaang namatay sa misteryosong sakit.
Kung totoo umano na namatay sa Ebola ang mga ito, maaaring makakuha pa ng bakas nito mula sa mga labi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.