Batang Gilas gagamitin ang bilis sa FIBA U17
KULANG man sa laki at tangkad, pipilitin ng Pilipinas na makapanggulat gamit ang kanilang bilis sa FIBA Under-17 World Championship sa Dubai, United Arab Emirates.
Ayon kay Batang Gilas head coach Jamike Jarin sasandalan ng koponan ang kanilang liksi para mabalewala ang pagiging pinakamaliit na koponan sa 16-bansang torneo.
Kagrupo ang two-time champion na Estados Unidos, Angola at Greece, ang mga Pinoy ay siguradong magugulpi sa shaded area kapag sinugod na sila sa loob.
“We need to run. Against tall teams, we really don’t want to see them play in a slow set game,’’ sabi ni Jarin. May average na taas na 6-feet, ang Batang Gilas ay sasandal sa magkapatid na sina Mike at Matt Nieto ng Ateneo de Manila University, Richard Escoto ng Far Eastern University, Jolo Mendoza ng Ateneo at Paul Desiderio ng University of the Philippines.
Makakakuha naman sila ng suporta mula kina Mikel Panlilio ng International School Manila, Diego Dario ng UP, Mike Dela Cruz ng La Salle Greenhills, Enzo Navarro ng San Sebastian College, Carlo Abadeza ng Arellano University, Arnie Padilla ng FEU at Jollo Go ng Hope Christian High School.
“We stand no chance against their size and length. We need to slow them down by picking them up 60 to 90 feet from the basket because we will encounter problems once they settle at the frontcourt,’’ dagdag ni Jarin.
Sinabi pa ni Jarin na kaya nilang manalo kung magiging maganda ang mga laro nina Mendoza, Desiderio at ang magkapatid na Nieto. Inaasahan naman na manonood ang mga Pinoy OFWs sa Al Ahli Arena sa bawat laro at magbibigay ng suporta sa Batang Gilas.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.