I LEARNED about the Bangsamoro National Transformation Council (BNTC) not from the grapevine but from none other than the former National Security Adviser Norberto Gonzales.
Ang BNTC ay nasa ilalim lamang ng National Transformation Council (NTC), at isa si Gonzales sa mga nangungna at nagtatag.
Sa aming pag-uusap, bagamat mainit ang isyu ng Disbursement Acceleration Program o DAP, mas interesado siyang pag-usapan namin ang tungkol sa BNTC.
Wala pang draft o malinaw na balangkas ng BBL ang Kongreso. Pero tiyak si Gonzales na hindi ito magiging katanggap-tanggap, at kung magiging katanggap-tanggap man, may kukuwestyon naman sa Constitutionality nito.
Mabilis ang kabig niya. “Don’t get me wrong, if there is someone who wants to see peace achieved with our brother Muslim, I am that person and no one could contest that, nakasama ko sila, kinanlong nila ako, ang naisin at mithiin nila ay hangad ko rin,” wika niya.
Diniretso ko na ang dating National Security Adviser, at dati ring kalihim ng Tanggulang Pambansa.
Sabi ko, may kinalaman ba ito sa lumulutang na destabilization plot, lalo’t tao siya ni dating Pangulong Arroyo?
Aware naman daw siya rito – na kapag may coup rumor, isa kaagad siya sa tinitingnan at inginungusong may pakana.
Pero mariin niyang itinanggi na sangkot siya sa destabilisasyon.
Wala rin aniyang alam si dating Pangulong Arroyo sa anumang samahan o organisasyon na kinabibilangan niya ngayon.
Anuman ang kanyang ginagawa, tulad aniyang kaugnayan niya sa BNTC ay udyok daw ng kanyang pagmamahal sa bansa.
Ngayon, ano ang koneksiyon ng BNTC sa sinasabing namumuong destabilisasyon?
Una, ang BNTC ay samahan, bagamat bago, masasabing may impluwensiya. Nariyan ang civil society, simbahan (na ang tinutukoy batay sa mga pangalang binanggit sa akin ni Gonzales, ay Simbahang Katoliko), mga progresibong grupo at ilan mula sa militar (mga aktibo at nasa dating posisyon).
Kung titingnan ang posisyon na dating hinahawakan ni Gonzales di malayong may mag-isip na isa siya sa nagluluto ng destabilisasyon.
Inilarawan niya ang kanyang relasyon sa aktibo at maging mga retiradong heneral noong nagpalit ang administrasyon.
“When I was DND Sec. and NS Adviser, people come to me, they all want to talk to me. Then suddenly, shortly after June 30 of 2010, even my former officers in the DND and the AFP don’t want to be seen near me. Of course I understood. Mahirap na nga namang mapagbintangan. But late last year, mga last quarter, things began to change. Some of the very people who avoided me came and sought me. Marami silang gustong sabihin, marami silang gustong mangyari.”
Pinakasentro ani Gonzales ng mga saloobing ipinarating sa kanya ay ang patungkol sa Saligang Batas at ang usapin ng BBL — na ang ilan aniya, mga damdamin at mga katanungang mula sa hanay ng militar.
Maraming bagay sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro ang hindi nila maunawaaan at lalo silang nangangamba kapag naikasa na ang BBL.
Anya, legitimate ang concern at hindi ito maaaring balewalain ng gobyerno.
Destabilisasyon ba ang hangarin ng grupong tulad ng BNTC o hakbang na dapat bigyang puwang ng pamahalaan para sa kagalingan at kapakanan ng buong bansa? Ang pakikipag-usap ba ng ilang opisyal ng militar kay Gonzales o maaaring kasama o kinatawan ni Gonzales ang dahilan ng tila loyalty check ngayon sa hanay ng militar?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.