ITINAKDA na sa Nobyembre 23 (Philippine time) ang pagdepensa ni Manny Pacquiao sa hawak niyang WBO welterweight championship kay Chris Algieri ng New York.
Pumayag noong Martes ang mga promoter ni Algieri na sina Joe Deguardia at Artie Pelullo sa inilatag ng promoter ni Pacquiao na si Bob Arum ng Top Rank.
“We had a marathon lunch and came back to the office and finished it up. I called up Bob to tell him we have a deal,” wika ni Deguardia.
Si Algieri, na hawak ang WBO light welterweight crown, ay galing sa split decision na panalo laban kay Ruslan Provodnikov noong Hunyo 14. Nanalo si Algieri sa labang iyon kahit pa dalawang beses siyang natumba sa unang round at halos sarado na ang isa niyang mata.
Tatanggap siya ng $1 milyon sa laban kontra Pacquiao.
“He’s very happy for the opportunity. He wants this fight and has no problem going up in weight. He wants the challenge and he will beat Manny Pacquiao,” dagdag ni Deguardia.
Sa Cotai Arena sa Macau, China gagawin ang laban at sang-ayon si Pacman na makasagupa si Algieri na hindi pa natatalo sa 20 fights.
“Manny is 100 percents for it. He thought it would be a good fight and he’s ok with fighting Algieri,” pahayag ni Arum.
Tinatayang nasa $20 milyon ang tatanggapin ni Pacquiao sa kanyang ikalawang laban sa taon.
Nabawi ni Pacquiao ang WBO belt nang talunin niya ang dating walang talo at tumalo sa kanya noong 2012 na si Timothy Bradley nitong Abril.
Si Pacquiao, na head coach din ng koponang Kia sa PBA, ay may ring record na 56 wins, 5 losses, 2 draws at 38 knockouts.
Kamakailan lang ay naselyuhan din ang rematch sa pagitan nina Floyd Mayweather Jr. at Marcos Maidana ng Argentina.
Gaganapin ang bakbakang ito sa Setyembre 13 sa MGM Grand, Las Vegas.
Marami pa rin ang umaasa na magsasagupa ang dalawa sa pina-kamahusay na boxers ng henerasyong ito na sina Pacquiao at Mayweather.
Bagaman imposibleng maganap ito sa taong ito ay umaasa ang karamihan na maisakatuparan ang naturang blockbuster showdown sa 2015.—Mike Lee
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.