Ika-4 World Cup Title nakubra ng Germany
GAMIT ang dalawang mabilis at mahusay na touches, winakasan ni Mario Goetze ang 24-taong paghihintay ng Germany sa titulo ng World Cup.
Ginawa ni Goetze ang pampanalong goal sa extra time para ibigay sa Germany ang 1-0 pagwawagi laban sa Argentina kahapon sa naging mahigpit at maigting na World Cup final na umabot sa ilang sandali ng mahusay na paglalaro.
Si Goetze, na hindi pa ipinapanganak nang talunin ng West Germany ang Argentina noong 1990 World Cup final, ay kinontrol ang isang cross shot gamit ang kanyang dibdib sa ika-113th minuto at sa isang iglap ay nai-volley ang bola para makalusot kay goalkeeper Sergio Romero.
Ang nasabing goal ang nagbigay sa Germany ng ikaapat nitong World Cup title sa walong finals appearance at nag-iwan naman kay Argentina star Lionel Messi na naglalakad pa rin sa anino ng kababayang si Diego Maradona, na pinamunuan ang kanyang bansa sa 1986 title.
Nagsilbing pamalit si Goetze kay Miroslav Klose sa pagtatapos ng regulation time at ang pagpasok ng 22-anyos na midfielder ang nagbago sa takbo ng laro.
Nakalusot si Andre Schuerrle mula sa kaliwang bahagi ng field para makatira ng isang cross shot sa nasabing lugar bago isinagawa ng Bayern Munich player ang matinding pagtatapos sa laro.
Ang goal ay naging kahalintulad naman ng ginawa ni Andres Iniesta apat na taon na ang nakalipas nang ang midfielder ay nakaiskor ng katulad ring tira subalit sa kabilang bahagi naman ng field para ibigay sa Spain ang 1-0 extra time panalo sa Netherlands.
“It’s incredible. The team did it beautifully,” sabi ni Manuel Neuer, na ibinoto bilang best goalkeeper ng torneo. “At some point we’ll stop celebrating but we’ll still wake up with a smile.”
Ang pagwawagi ng Germany ay nagwakas naman sa ilang sablay nito magmula nang makuha ang 1996 European Championship. Ang koponan ay natalo sa 2002 World Cup final sa Brazil at nabigo sa semifinals noong 2006 at 2010.
( Photo credit to inquirer news service )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.