WALA na halos tulog sina Paul Lee at Beau Belga na kasama ng Gilas Pilipinas squad na umalis kahapon ng madaling araw papunta sa Wuhan, China para sa FIBA Asia Cup.
Iyan ang isa sa mga sakripisyo ng ating mga manlalaro upang magkaroon ng magandang tsansa ang Pilipinas na magkampeon sa basketball competitions ng Asian Games na gaganapin sa South Korea sa Setyembre.
Ang magkampeon sa Asian Games ang tunay na target ng Gilas Pilipinas. Hindi ang magkampeon sa FIBA World Cup na mas unang gaganapin sa Spain.
Iyan ang ibinunyag ni national coach Vincent “Chot” Reyes sa sendoff party ng koponan na ginanap sa Max’s Restaurant sa Roces Avenue noong Martes.
Kabilang sa mga dumalo sa pagtitipong iyon ang mga backers ng Gilas Pilipinas at lahat ng mga nag-sponsor sa koponan tulad ng PLDT, Master Face Wash, Foton at iba pa.
“We’re not really expecting much from this trip to China,” ani Reyes patungkol sa kanilang tsansa.
Kasi nga’y hindi naman ‘yung buong team na sumegunda sa nakaraang FIBA Asia Men’s Championship noong Agosto ang ipinadala natin.
Hindi nakasama sa koponan ang mga tulad nina Larry Fonacier, Jayson Castro, Jimmy Alapag at Jeff Chan.
Sa halip ay isinama ni Reyes sina Jared Dillinger, Jay Washington at mga amateurs na sina Kevin Alas at Garvo Lanete na nakatakda namang lumahok sa darating na PBA Rookie Draft.
Umaasa si Reyes na maraming magandang mapupulot ang koponan sa torneo.
Ito’y bunga ng pangyayaring makakasagupa na ng Gilas Pilipinas ang national teams ng Jordan, Japan, China at Chinese-Taipei. Sigurado kasing buong national teams na ng mga ito ang ilalahok sa FIBA Asia Cup. Hindi na sila magtatago ng manlalaro.
“So, doon pa lang ay makikita na natin ang lakas ng iba nating kalaban. Ma-scout na natin sila nang husto,” ani Reyes.
Ang mahalaga ay ma-break in ang mga bagong miyembro ng Gilas Pilipinas at makita kung ano talaga ang puwede nilang gawin at ibigay sa koponan.
“I want them to have a feel of the international competition. Iba kasi ‘yung sa PBA or mga tournaments here and abroad. May pahinga ‘yun e,” ani Reyes.
‘‘Sa international basketball, walang pahinga. You play in the afternoon or evening. Eat aferwards, then sleep. Pag gising mo sa umaga, shootaround at practice para sa next game na gaganapin sa hapon o gabi. There is no luxury of time. Ganoon ka-hectic,” dagdag ni Reyes.
Kahit na ano ang mangyari sa FIBA Asia Cup, pakiwari ni Reyes ay bubuti ang Gilas Pilipinas.
At tiniyak niya na magiging maganda ang laban natin sa Asian Games lalo’t makakasama ng Gilas Pilipinas ang naturalized player na si Andray Blatche.
“Gusto ko ang tsansa natin sa Asian Games. Sana patuloy ninyo kaming suportahan at ipagdasal,” ani Reyes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.