INANUNSYO ni Marestella Torres ang kanyang pagbabalik sa aktibong paglalaro nang sungkitin ang gintong medalya sa paboritong long jump event sa idinaos na Hong Kong Inter-City Athletics Championships sa Tseung Kwan O Sports Ground.
Ang 33-anyos na si Torres, na nabakasyon sa huling dalawang taon at nanganak sa kanilang unang supling ni shot put athlete Eleazar Sunang noong Enero, ay nakalundag ng 6.26 metro sa ikalimang attempt para pangunahan ang siyam na iba pang jumpers na sumali sa kompetisyon noong Sabado.
]May dalawang foul si Torres na nangyari sa ikalawa at ikaapat na lundag habang ang mga good attempts niya ay pawang lampas sa anim na metro na 6.15-m (1st), 6.14-m (3rd) at 6.09-m (6th).
Ang mga Chinese Taipei jumpers na sina Wang Wu Pin at Chu Chia Ling ang kumuha sa pilak at tansong medalya sa 6.19-m at 5.91-m marka.
Pinasalamatan ni Torres ang mga taong tumulong sa kanya para unti-unting maibalik ang dating porma sa pangunguna ng coach na si James Lafferty.
Apat na buwan lamang ang paghahanda ni Torres para sa unang kompetisyon na ito at agad na naghatid ito ng positibong resulta.
Hindi naman umabot si Torres sa 6.40-m target para makakuha na ng puwesto sa Incheon Asian Games pero nakikita ng Southeast Asian Games long jump record holder at two-time Olympian na makukuha niya ito sa susunod na kompetisyon na lalahukan.
Isa na rito ay ang gaganaping Vietnam Open sa susunod na buwan.
Naghatid din ng bronze medal ang national pool member na si Julian Reem Fuentes sa junior men long jump sa naitalang 7.25-metro marka.
Ang ginto ay nakuha ng mga local entries na sina Chang Ming Tai ng Hong Kong (7.61-m) at Lu Zhi Wei (7.36-m).
Samantala, nanalo rin si SEA Games gold medalist sa decathlon Ramil Cid sa paboritong event sa Malaysia Open na natapos noong Biyernes.
Ang 22-anyos na si Cid, na nagtala ng bagong Philippine record sa event sa Myanmar na 7038 puntos, ay may 6736 puntos para sa gintong medalya.
Hiniya ni Cid ang mga ipinagmamalaki ng Malaysia na sina Mohd Faizal Mustapha (6276) at Mohd Aidil Ali (5759) para sa pilak at tansong medalya.
Kasama na si Cid sa Asian Games sa kailangang maitaas ang performance sa 7700 puntos para maging palaban sa medalya sa kompetisyon sa Setyembre.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.