Ni Dona Policar
Associate Editor
AYAW tantatanan ng eskandalo si Presidential Adviser on Political Affairs Ronald Llamas.
Kung noon ay nahulihan ng assault rifle, ngayon naman ay nahuli siya sa akto na namimili ng pirated na DVD sa isang mall sa Quezon City kamakalawa ng gabi.
Nakunan pa ng larawan si Llamas habang kampanteng-kampanteng namimili at pumapakyaw ng mga piniratang “bluray” DVD sa pa-gitan ng alas 7:30 at 8 ng gabi sa isa sa mga stall ng Circle C mall sa Congressional ave.
Kasama ang dalawang bodyguard na nakauniporme ng barong tagalog, at dalawang babae, pinagtiti-nginan ang opisyal habang naghahalungkat sa isang mahabang kahon ng mga pekeng “bluray” DVD.
Matapos ang halos 30 minutong pamimili ay nakapamili ng kulang-kulang sa P2,000 halaga ng DVD ang opisyal.
Suot ang mapusyaw na asul na polo shirt at itim na pantalon, bumaba ng elevator si Llamas kasama ang kanyang grupo na bitbit ang isang itim na plastic bag na puno ng piniratang DVD.
Sa panayam ng Inquirer Bandera sa vendor na binilhan ni Llamas, inamin nito na kilala niya ang opisyal.
“Si Llamas yun!,” ayon sa tindero na tumangging ibigay ang pangalan. “Siya ang bumili ng DVDs. Mga kulang-kulang sa P2,000 ‘yung nabili niya.”
Isa pang tindero ang nagbigay ng impormasyon na “regular shopper (ng DVD)” ang opisyal dahil “malapit lang daw siya rito (nakatira).”
Ilan sa mga namimili ang tinanong ng Inquirer Bandera tungkol sa pagiging suki ng isang opisyal ng administrasyong Aquino sa mga pirated DVD.
“Hindi na ako magtataka na mauwi sa wala ‘yung kampanya ng gobyerno laban sa piracy.
Kung siya nga opisyal na ng gobyerno malayang-malaya bumili, kami pang ordinaryo lang,” ayon kay Estrella Panti, isang regular na mamimili sa nasabing mall.
“May pera naman siya, bakit kailangan niyang bumili ng pirated? Anong ehemplo ang maibibigay niya sa publiko?” saad naman ni Ebet de Asis.
Watchlist
Nitong Setyembre, nasa ika-29 na puwesto ang Pilipinas sa Office of the US Trade Representatives “watchlist” ng mga bansa kung saan available ang mga pirated o counterfiet goods, kabilang na ang DVDs.
Sa 2011 “Special 301” report, sinabi ng Washington, DC-based USTR na ang ” ineffective enforcement of intellectual property rights in the Philippines continued to be a concern for the agency.”
Kaya’t hinikayat nito ang Pilipinas na sundin ang 2011 Intellectual Property Rights action plan nito.
Noong 2010 ay kabilang din ang Pilipinas sa “watchlist.”
At dahil sa patuloy na pagkakasama ng bansa sa listahan, pinag-ibayo ng Optical Media Board sa tulong na rin ng Malacanang, ang hakbang nito para labanan ang piracy.
Sa katunayan, noong Hunyo, na-downgrade ang ranking ng Pilipinas sa US piracy watchlist. Natangal ito sa out-of-cycle review.
Dahil dito, tinatarget ng pamahalaan na matanggal na nang tuluyan sa listahan ang Pilipinas.
Sinubukan ng Inquirer Bandera na makuha ang panig ni Llamas, ngunit hindi ito sumasagot sa text at tawag.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.