Noon, ang bayan ng San Mateo ay isang payak at simpleng barrio lamang. Unang binansagan itong Masarat, na isang barrio ng Cauayan at saka nalipat sa Santiago.
Sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sa pamamagitan ng Presidential Executive Order No 97, itinatag ang bayan ng San Mateo noong Marso 17, 1946 ng Pangulong Sergio Osmeña.
Sa mga huling panahon ng kanyang panunungkulan bilang alkalde, napagbago ng dating Mayor Roberto Agcaoili ang tadhana ng 33 barangay na nasasakupan ng San Mateo mula sa isang third-class patungo sa pagiging first-class municipality.
Noong 2011, muling nahalal si Hon. Roberto Agcaoili bilang Vice-Mayor at ang kanyang asawa, si Gng. Crispina Agcaoili ang nahirang na Mayor.
Ngayon, sa kanilang pamumuno, kinikilala ang San Mateo bilang isa sa mga progresibong bayan ng lalawigan ng Isabela at nabansagan itong Agro-ecological Destination sa Cagayan Valley.
Balatong Festival
Tuwing Mayo, ipinagdiriwang ng bayan ng San Mateo ang Balatong Festival. Balatong ay ang tawag sa munggo sa salitang Ilokano.
Ayon kay Mayor Crispina Agcaoili, ang munggo ay tinuturing nila na isa sa mga pinakamahahalagang pananim ng bayan, kaya binibigyan nila ito ng halaga sa pagtatatag ng festival.
Sa Balatong Festival, tampok ang mga patimpalak ng pagandahan, isports at street dancing. Kasama dito ang naggagandahang floats na gawa sa munggo.
May mga paligsahan din sila sa pagluluto ng iba’t ibang resipi na gamit ay munggo. Mula sa pancit at noodles na gawa sa munggo, hanggang sa mga ulam at panghimagas at minatamis, bida ang munggo dito.
Nakapaglimbag din ang munisipyo ng isang cookbook na tampok ang mga munggo recipes, na kanilang ipinamamahagi sa kanilang mga bisita, sa mga guro at maybahay na nais matutong magluto ng natatanging munggo recipes.
Ngunit ang pinakamahalagang programa ng Festival ay ang pagbisita sa mga demonstration farms, mga seminar at forum para sa mga magsasaka at ang pagtuklas ng iba’t ibang produkto na magagawa mula sa munggo at ang pagpapakilala nito sa merkado.
Kahit tapos na ang festival ay maaaring makabili ng mga produkto na gawa sa munggo mula sa Pasalubong Center na matatagpuan na malapit sa Munisipyo ng San Mateo.
Agro-Ecological Cityhood
Masigasig si Vice-Mayor Roberto Agcaoili, na isa ring magsasaka, sa pagpapalawig ng munggo sa kanilang bayan. Ayon kay Vice-Mayor Agcaoili, “ang munggo ay hindi lamang isang mayamang mapagkukunan ng protina.
Tinutukoy niya ito bilang “black gold” dahil ito rin ay may potensyal upang maibsan ang kahirapan ng mga magsasaka.
“Dalawang beses lamang sa isang taon kung magtanim ng palay ang mga magsasaka dito sa San Mateo.
Kapag natapos na ang tag-ani sa Marso, at sa pagsapit ng tag-tuyot, karaniwan ay nakatiwangwang lamang ang mga sakahing lupa. Kaya nang maisipan namin ang magtanim ng munggo pagkatapos ng pag-ani ng palay, dito namin natuklasan ang bagong kayamanan ng San Mateo.”
“Mainam sa lupaing pagsasaka ang pagtatanim ng munggo dahil pinapayabong at ibinabalik nito ang dating sigla ng lupa,” dagdag pa niya.
Ngayong papasok na ang tag-ulan, iniiwan nila ang mga labing halaman ng munggo upang makatulong ito bilang pataba o green manuring.
Sa ganitong paraan, maihahanda na nila ang mga lupaing pagsasaka sa pagtatanim ng palay ngayong tag-ulan. Gumagabay sa mga layunin at simulain ng mga Agcaoili ang pag-asa na maitaguyod ang iba’t ibang produkto at serbisyong pang-agrikultura, kabalikat ang mga ahensya ng pamahalaan na naka-base sa kanilang bayan tulad ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources, PhilRice at ng Bureau of Plant Industry.
Tulad ng Science City of Muñoz ng Nueva Ecija, napupusuan ni Isabela Gov. Faustino “Bojie” Dy III ang San Mateo bilang kauna-unahang agro-ecological na lunsod sa bansa sa lalong madaling panahon.
Kung may tanong o mungkahi, mag-text lamang sa telepono bilang 09175861963. Ibigay ang pangalan, tirahan at edad. Salamat po!
Ginisang Munggo
ANG munggo o balatong (Vigna radiata) ay isang katutubong binhi na nagmula sa India at Pakistan.
Lumaganap ang halamang ito sa iba’t ibang parte ng Asia dahil madali itong alagaan at hindi nangangailangan ng maraming patubig.
Ang munggo ay pangunahing sangkap sa mga iba’t ibang kakanin tulad ng butse at hopia.
Naalala ko noong ako’y musmos pa, ang ulam namin tuwing Biyernes ay ang ginisang munggo na may dahon ng ampalaya at chicharon.
Ang katerno nito ay pritong galunggong at minsan naman ay kahit tuyong lawlaw o daing ay swak na swak na sa aming panlasa.
Ang munggo ay isa sa mga pinakamasusustansyang butong-gulay dahil mataas ang porsyento ng protina ang makukuha rito.
Kaya kung nais mo ay masarap na ulam, na mura at masustansya, ang ginisang munggo ay pasok sa iyong budget at mabuti pa ito sa iyong kalusugan.
Mga sangkap
1-1/2 tasa munggo o balatong
1 kutsarang bawang, pinitpit
1/4 kilong liempo, hiniwa ng maninipis
2 tasa dahon ng ampalaya, siniksik
1 kamatis, tinadtad
1 sibuyas, tinadtad
2 kutsarita ng patis
4 na tasa ng tubig
1 beef cube
1/2 tasa chicharon
2 tinapang galunggong, hinimay
1/4 kutsarita pamintang durog
Pamamaraan ng pagluluto
Ibabad ang munggo sa 3 tasang tubig ng 30 minuto.
Ilipat sa isang kaserola, pakuluan nang 30-45 minuto, hanggang lumambot.
Sa isang hiwalay na kawali, maglagay ng isang tasa ng tubig at pakuluan ang liempo.
Kapag natuyo na ang tubig nito, maglagay ng 2-3 kutsara ng mantika at prituhing ng mabuti.
Kapag medyo malutong na ang liempo, hanguin ito at ilagay sa isang tabi.
Sa kaparehong kawali, maggisa ng bawang, sibuyas, at kamatis.
Isahog ang beef cube, at timplahan ng patis at isama muli ang nilutong liempo.
Isama ang munggo, at muling pakuluan.
Kapag kumulo na ito, hinaan ang apoy at halu-haluin nang bahagya. Pabayaang lutuin pa ito ng 15 minuto.
Idagdag ang dahon ng ampalaya at chicharon.
Timplahan ng paminta
Ihain ng mainit at ibahagi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.