Laro Ngayon
(Araneta Coliseum)
6 p.m. Alaska Milk vs Rain or Shine
MATAPOS na makabawi sa huli nilang pagtatagpo ay hangad ngayon ng Alaska Milk na makaulit sa Rain or Shine sa Game Two ng kanilang best-of-five semifinals series sa PLDT Home Telpad PBA Governors’ Cup alas-6 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Tinalo ng Aces ang Elasto Painters, 97-93, sa pagbubukas ng kanilang serye noong Biyernes sa likod ng kabayanihan ni Henry Walker na nagtala ng game-high 31 puntos.
Si Walker ay gumawa ng apat na puntos sa 6-0 wind-up ng Aces. Sinuportahan siya nina Sonny Thoss na nagtala ng 16 puntos at Vic Manuel na nag-ambag ng 14 puntos.
“I thought Henry was great down the stretch. He was aggressive,” ani Alaska Milk coach Alex Compton. Ang Rain or Shine aynakalamang ng siyam na puntos, 33-24, sa umpisa ng second quarter.
Subalit gumawa ng sampung puntos sa 15-0 atake ng Aces si Thoss upang makuha ng Alaska Milk ang pangunguna, 39-34.
Sa panalo ay nakabawi ang Aces sa 123-72 kabiguang sinapit nila sa Rain or Shine noong Hunyo 4.
Hindi pa natatalo ang Alaska Milk mula noon at ang tagumpay noong Biyernes ay ikalimang sunod nila. “Everywhere we go, we are reminded of that 51-point loss.
That was really a wake-up call for us,” dagdag ni compton. “But nobody wins a five-game series in Game One. It’s important for our confidence to win Game One and hopefully we can build on this.”
Ang iba pang Aces na inaasahang magniningning ay sina Cyrus Baguio, JVee Casio, Calvin Abueva, Gabby Espinas at Dondon Hontiveros. Napatid naman ang six-game winning streak ng Rain or Shine.
Sa kabila nito’y naniniwala si coach Joseller “Yeng” Guiao na kaya nilang makabawi. Ang Elasto Painters ay pinamumunuan ng dating PBA Best Import awardee na si Arizona Reid na tinutulungan nina Gabe Norwood, Jeff Chan, Ryan Araña, Paul Lee at Beau Belga.
( Photo credit to inquirer news service )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.