SAN ANTONIO — Maituturo nina LeBron James at Dwyane Wade sa pamamagitan ng istatistika na naging dikit ang laban sa 2013 NBA Finals.
Subalit hindi naman ito kailangan ni Tim Duncan.
Ito ay dahil hindi makakalimutan ni Duncan kung paano natalo ang San Antonio Spurs kung saan ang bawat replay nito ay nagbabalik ng masakit na alaala. Palapit na sana ang Spurs sa pagdiriwang ng ikalima nilang titulo sa Game 6 at dalawang araw matapos nito ay binabati nila ang Miami Heat na nakopo ang ikalawang sunod na korona.
Gusto ng Spurs ng rematch at ganito rin ang nais ng basketball fans. Magsisimula naman ito ngayon sa San Antonio.
“I think it’s great that these two franchises have this opportunity in back-to-back years to compete for a championship,” sabi ni Wade kahapon. “Last year was an unbelievable series and … it went down to the very end. We won the series by a total of five points, you know? That’s how close it was. But it was a very even series. I think this year it could be another great series.”
Mula sa circus shot ni Tony Parker na nagbigay ng Game 1 sa Spurs hanggang sa 3-pointer ni Ray Allen sa Game 6 na nagligtas sa Heat at ang jumper ni James na nagkaloob sa kanila ng panalo sa Game 7, halos lahat ng kanilang laban ay nagbigay ng panibagong katatampukan. At dapat lang na maulit ito katulad ng Boston Celtics at Los Angeles Lakers na muling sinariwa ang naging bakbakan noong dekada 80.
Hindi pa nagkakaroon ang NBA ng finals rematch magmula noong 1998, kung saan tinalo ni Michael Jordan at Chicago Bulls ang Utah Jazz sa ikalawang sunod na season. Bahagyang pinapaboran ang San Antonio sa pagkakataong ito dahil mas malalim, malusog at mahusay sila kumpara noong isang taon at hawak din nila ang home-court advantage ngayon.
Hindi rin kinailangan ng Spurs na magsagawa ng malaking pagbabago para mabago ang resulta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.