Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
5:45 p.m. Globalport vs Talk ‘N Text
8 p.m. San Mig Coffee vs Alaska Milk
Team Standings: San Mig Coffee (4-1); Talk ‘N Text (4-1); Barangay Ginebra (4-1); Air21 (4-2); San Miguel Beer (4-2); Rain or Shine (3-3); Alaska Milk (2-4); Globalport (1-4); Barako Bull (1-5); Meralco (1-5)
SISIKAPIN ng Talk ‘N Text at San Mig Coffee na manatili sa itaas ng standings sa pakikipagtunggali nila sa magkahiwalay na kalaban sa PLDT Home Telpad PBA Governors’ Cup mamaya sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Makakaduwelo ng Tropang Texters ang Globalport sa ganap na alas-5:45 ng hapon samantalang makakaharap ng nagtatanggol na kampeong San Mig Coffee ang Alaska Milk sa alas-8 ng gabi na main game.
Ang Tropang Texters ay pangungunahan ng nagbabalik na si Paul Harris na humalili kay Rodney Carney kahit pa natulungan nito ang kanyang koponang magposte ng tatlong sunod na panalo. Si Carney ay pumalit din sa original choice na si Othyus Jeffers.
Makakatapat ni Harris si Dior Lowhorn na pumalit din sa dating import na si Leroy Hickerson.
Si Harris ay makakatuwang nina Jimmy Alapag, Jayson Castro, Ranidel de Ocampo, Kelly Williams at Larry Fonacier.
Makakatapat nila sina Jay Washington, Alex Cabagnot, Jondan Salvador, Terrence Romeo at RR Garcia.
Tulad ng Talk ‘N Text, ang San Mig Coffee ay may three-game winning streak matapos na matalo sa San Miguel Beer, 92-90. Ang Mixers ay nagposte ng panalo kontra sa Meralco 108-90), Globalport (92-82) at Barangay Ginebra (102-90).
Laban sa Gin Kings ay sumingasing sina Marqus Blakely na gumawa ng 34 puntos at Peter June Simon na nagdagdag ng 19 at itinanghal ng Accel-PBA Press Corps Player of the Week.
Ang ibang Mixers na inaasahan ni coach Tim Cone ay sina Marc Pingris, Mark Barroca, Joe Devance at James Yap.
Ang Alaska Milk ay tinambakan ng Rain or Shine, 123-72, noong Miyerkules. Ang 51-puntos na pagkatalo ang ikaapat na pinakamasagwa sa kasaysayan ng PBA.
Iyon din ang ikatlong sunod na kabiguan ng Aces na ngayon ay hawak ni coach Alex Compton. Bago natalo sa Elasto Painters, ang Aces ay pinadapa ng Talk ‘N Text (103-91) at Meralco (88-87).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.