NAGPATULOY ang magandang paglalaro ni Ronald Pascual habang nakitaan ng husay ang pamalit na si Pamboy Raymundo para tulungan ang NLEX Road Warriors sa 81-78 panalo sa Blackwater Sports Elite sa Game 2 ng 2014 PBA D-League Foundation Cup Finals kahapon sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Gumawa ng walong puntos si Pascual sa pagbubukas ng huling yugto upang ang 62-all iskor ay maging 73-67 kalamangan.
May 13 puntos si Pascual sa laro habang may 13 puntos rin si Raymundo na gumana sa ikatlong yugto sa puntong nawala ang opensa ng Road Warriors.
Lumayo ng hanggang 12 puntos sa first half, nanlamig ang opensa ng koponan dahilan upang makita nila na nakaangat pa ang Elite sa limang puntos, 59-54, sa magkasunod na tres ni Kevin Ferrer.
Pero apat sa pitong puntos sa ikatlong yugto bukod sa magandang pasa kay Jake Pascual ang ginawa ni Raymundo para magkatabla ang magkabilang koponan papasok sa huling 10 minuto ng labanan.
May 15 puntos si Jake Pascual, si Ola Adeogun ay naghatid ng 14 puntos at 14 rebounds habang si Garvo Lanete ay may 12 upang makumpleto ng NLEX ang 2-0 sweep sa best-of-three series.
Ang panalo ang tumapos sa 13-0 ‘perfect season’ ng koponan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.