Sarah kaliga na sina Mariah Carey at Miley Cyrus; Wagi sa World Music Awards
SA gitna ng tagumpay na tinatamasa ngayon ng “Maybe This Time”, isa na namang blessing ang tinanggal ni Sarah Geronimo na tiyak na mas magpapataas pa sa kanya bilang isang total performer hindi lang dito sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo.
Kamakailan kasi ay kinilala ang talento ng Pop Princess sa katatapos lang na 22nd edition ng World Music Awards, ito’y ginanap sa Monte Carlo Sporting Club sa Monaco noong May 27.
Tinanghal si Sarah bilang Best-selling Filipino Artist ngayong taon, isa siya sa 20 artists mula sa iba’t ibang panig ng mundo na ginawaran ng nasabing award, kabilang na ang mga top performers sa United States, Great Britain, China at Korea.
Ang World Music Awards ay ginaganap taun-taon, ngunit nawala ito ng tatlong taon at nagbabalik nga ngayong 2014. Binibigyan nito ng rekognisyon ang mga karapat-dapat na artist at top music performers mula sa iba-ibang bahagi ng mundo.
In fairness, kaliga na ni Sarah ang mga sikat na international artists tulad na lang ni Mariah Carey na tinanghal namang Pop Icon Award matapos makabenta ng over 200 million records.
Bukod dito siya rin ang tumanggap ng Best-selling Singles Artist sa US. Ang kontrobersiyal American singer naman na si Miley Cyrus, na nominated for 14 categories in total, ang nanalong Best Pop Video para kanyang kanyang “Wrecking Ball” at Best Female Act.
Hindi rin nagpatalbog ang isa pang kontrobersiyal na grupong One Direction, na magkakaroon nga ng two-night concert sa Pilipinas next year, sila ang nag-uwi ng World’s Best-selling Group, World’s Best-selling Pop Act at Best-selling British Act.
Ang Korean singer namang si Han Geng, na dating member South Korean boy band na Super Junior, ang nagwaging World’s Best Male Artist award (as voted by fans). Ang K-pop boy band EXO naman ang tinanghal na Best-selling Korean Act.
Para sa mga hindi pa nakakaalam, the World Music Awards were founded by Prince Albert II of Monaco noong 1989. Ayon sa official website nito, ang International Federation of the Phonographic Industry (IFPI) ang nagbibigay ng mga detalye sa organizers tungkol sa mga best-selling artists from the major record buying territories.
Samantala, kung magpapatuloy ang lakas sa takilya ng pelikula nina Sarah at Coco na “Maybe This Time” ay posibleng matalo pa rin nito ang huling blockbuster hit ng Star Cinema na “Starting Over Again” nina Piolo Pascual at Toni Gonzaga. Partida pa nga na kasabay nito ang “Maleficent” ni Angelina Jolie.
At dahil nga riyan, napatunayan ni Sarah na matindi pa rin ang magic niya sa masa. Na kahit sino pa ang itambal sa kanya, basta’t maganda ang pelikula ay panonoorin at susuportahan ito ng manonood.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.