NAPAKAWALANGHIYANG kasinu-ngalingan daw —“shameless lies” ang ginamit ni Budget Secretary Butch Abad—ang sinabi ni pork barrel queen Janet Lim Napoles na siya ang nagturo kay Napoles ng katarantaduhan.
Sinabi kasi nitong si Napoles na tinuruan siya ni Abad kung paano siya makapagnanakaw sa gobyerno sa pamamagitan ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel.
Isang posibleng dahilan, ani Abad, ay ang kanyang pagiging malapit kay Pangulong Noy at ang pamumuno niya ng Cabinet cluster on good governance and reforms.
Sus, Butch, bakit ka naman ituturo ni Janet kung hindi totoo?
Mas lalo siyang madidiin sa kasong plunder na malapit nang isampa sa kanya kapag ikaw ay dinamay niya.
Totoo yata ang pinagsasabi ni Napoles tungkol kay Abad dahil wala namang dahilan ang babae na idawit ang isang mataas na opisyal ng Aquino administration.
Hindi naman sinabi ni Napoles na tinuruan siya ni Abad ngayong budget secretary na siya kundi noong si Abad ay congressman pa lamang.
Bakit naman si Abad ang idinadawit ni Napoles at hindi ang ibang opisyal ng Aquino administration gaya ni Roxas, halimbawa, na senador noon?
Kung ikaw ba si Napoles, idadawit mo ba si Abad na alam na alam mo na puwede kang balikan?
Nang malaman ni Napoles na magkakaroon siya ng surgery sa kanyang uterus, maaaring napagsabihan siya na malubha ang kanyang kalagayan at puwede siyang mamatay sa operating table.
Kaya’t ipinatawag niya si Justice Secretary Leila de Lima at ikinumpisal niya ang lahat-lahat.
Ang taong alam niyang maaaaring mamamatay siya ay nagsisisi sa kanyang mga kasalanan at nagsasabi ng totoo.
Takot mapunta sa Impiyerno si Napoles kaya’t ibinulgar na niya ang lahat.
Kaya lang hindi pa pala siya mamamatay dahil siya’y masamang damo.
Kung tatanungin mo ang mga nakakaalam tungkol sa taong alam niyang mamamatay na siya, maniniwala ka kay Napoles.
Kaya nga may tinatawag na ante-mortem statement sa batas.
Ang ante-mortem statement ay isinasagawa ng isang taong nasa bingit ng kamatayan.
Pinaniniwalaan ng ano mang korte ang ante-mortem statement.
Sa Japan, ang isang opisyal na idinawit sa iskandalo o nakagawa ng iskandalo ay nagpapakamatay.
Hindi natin sinasabi na dapat nang magpakamatay si Abad.
Ang sinasabi natin ay magbitiw siya sa tungkulin dahil maselan ang kanyang puwesto sa Aquino administration dahil malaking pera ang kanyang hinahawakan.
Pero gaya ng sinabi ko sa nakaraang column, hindi magbibitiw si Abad dahil makapal ang kanyang mukha.
Nagawi ang inyong lingkod ng Tagum City sa Davao del Norte noong Miyerkules.
Nagtanong-tanong sa ilang mga residente tungkol sa kalagayan ng peace and order.
Sinabi sa akin ng mga nakausap ko na nakakatakot na raw sa Tagum na maglakad sa siyudad lalo na’t sa gabi.
Maraming snatching sa kalye, nakawan sa mga bahay at patayan.
“Masyadong mabait ang mayor ngayon (Allan Rellon) dahil ayaw niyang magsampol ng mga kriminal,” sabi sa akin ng isang nakapanayam ko.
Kaya’t dumami ang mga kriminal.
Noong panahon ni Mayor Reynaldo Uy, nagsilisan ang mga masasamang-loob sa Tagum dahil sila’y nawawala na parang bula o nakikitang nakabulagta sa kalye sa umaga.
Hindi ko sinasabing si Uy ang may pakana sa pagkamatay ng mga pusakal na kriminal sa Tagum.
Ang sinasabi ko lang ay noong panahon ni Uy, umalis ang mga magnanakaw, mamamatay-tao at drug pushers sa Tagum dahil nanganganib ang buhay nila sa siyudad.
Dapat siguro ay huwag masyadong mabait si Mayor Rellon upang bumalik ang katahimikan sa Tagum.
Para sa komento, i-text ang TULFO, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09999858606.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.