NAKAPANLULUMO. Nakagagalit. Turuan nang turuan kung sino ang dapat sisihin kung bakit anim na buwan pagkatapos manalasa ang bagyong Yolanda sa Eastern Visayas ay hindi pa nakukumpuni ang pampublikong mga paaralan. Anim na buwan na ang nalaglag sa mga pahina ng kalendaryo ay ni isang pako ay wala pang pinupukpok sa nawasak na pampublikong mga paaralan. Anim na buwan na, Pangulong Aquino at Education Secretary Armin Luistro (brother pa man din ang tawag sa iyo, may silbi ka ba? Kasi, si Onofre D. Corpuz ay may silbi pa kesa sa iyo at sa iba pang nagdaang kalihim), hindi pa rin ligtas ang anak ng mahihirap sa kanilang pagbabalik sa klase, sanlinggo simula ngayon. Mahigit 200,000 estudyante sa elementarya at high school ang magka-klase sa barung-barong na silid-aralan, o sa damuhan, o sa lilim ng puno sa pasukan (tiniyak ng Department of Education na tuloy ang klase sa 1,828 barung-barong at 2,555 tolda. Tsk, tsk, tsk). Ganyan ba talaga, Aquino at Luistro, sa lipunan ninyo na walang korap, walang mahirap, na kapag anak ng mahirap ay bahala-ka-na-sa-buhay-mo-mabuti-nga’t-buhay-ka-pa? At ang apelyido-mo-ay-Romualdez-at-hindi-Aquino?
Nakapanlulumo at nakagagalit. Turuan nang turuan at takipan nang takipan. Kumbaga sa mga taga-Quezon, nakababang-aw na ang mga nagaganap ngayon sa gobyerno, ang panloloko ng mga lider at pangtsutsubibo sa taumbayan ng napakaraming dinapuan ng hepa, pati na ang yellow ribbon committee ng Senado, ang pinakamataas na kapulungan na labangan ng mga magnanakaw na baboy.
Sa nakalipas na joint congressional oversight committee on public expenditures, meron daw kahilingang P2 bilyon para makumpuni ang nawasak na mga paaralan, pati na ang state universities and colleges (SUCs) at ito ay nakatengga sa Office of the President. Naghugas kamay ang Department of Budget and Management at sinabing wala na sa kanila ang kahilingang pondo at ipinadala na ito noong Abril sa Office of the President. Iginiit ni Budget Undersecretary Luz Cantor na naipadala na nila ang kahilingan sa pondo pagkatapos matanggap ang detalye ng gagawing pagkukumpuni at ang tayang halaga (estimated costs) mula sa Department of Education at SUCs.
Ito namang si Patrick Salamat (napakaganda ng apelyido mo), hepe ng public information ng DepEd, ay sinabi isinasagawa na raw ang rehabilitasyon. Kung anuman ang ibig sabihin niya ng rehabilitasyon, o ang pananaw at pakiwari niya sa salitang iyon, malinaw na wala pa palang pondo para kumpunihin ang nawasak na mga paaralan. Ang kagawaran ng edukasyon, ayon kay Anding Roces, para sa kabatiran ni Salamat, ay nagsasabi ng totoo at tapat. Ang pahayag at pagdidiin na iyan ni Roces ay binanggit niya na ang karamihan sa mga opisyal at tsuwariwap ng DepEd ay hindi pa ipinapanganak sa Fabella o kung saan pa mang paanakan. Ang tudling ni Roces ay hindi tularan ng mga mag-aaral ang pagsisinungaling at pagkukunwari ng mga opisyal ng kagawaran, lalo na ang mga guro, na umaga’t hapong pumapasok noon sa Gabaldon.
Teka. May palamuti ang dila ni Salamat nang humarap sa pagdinig ng komite at ipinagyabang pa niya na ang itinatayong mga silid-aralan ay mas kaya ang pananalasa ng kalamidad, ng bagyo, ng susunod na Yolanda, o Ondoy. Ayon kay Salamat, madaling magpagawa ng istruktura pero ang layunin ng kanyang departamento ay makapagpatayo ng hindi na magigiba ng susunod na Yolanda. Talaga? Libre talaga ang mangarap. Pero, hindi niya sinabi at tinukoy kung saan ang itinayong pansamantalang silid-aralan. Ha?! Pero, tataas ang bilang ng mga estudyante na papasok sa susunod na linggo. Ayon mismo sa ahensiya ni Salamat, aabot sa 66,762 ang magpapalista sa kindergarten; 691,527 sa elementarya at 315,324 sa high school. Sana’y hindi dinuktor ang bilang, tulad ng panduduktor sa bilang ng mga patay sa Yolanda; dahil ang hunyanggong politiko ay nagsabi na 80,000 na ang magpapalista sa kindergarten sa kanyang pinabayaan at kinalimutang nasasakupaan, pero ayaw niyang sisihin si Gloria Arroyo sa kinasapitan ng kanyang mga kababayan, gayung kumita rin naman siya kay GMA.
Iginiit ni Davao Oriental Rep. Thelma Almario, vice chairman din ng House appropriations committee, na ang dapat sisihin sa mabagal na rehabilitasyon ay ang Office of the President. May punto si Almario dahil ang ganitong kahilingan ay “kritikal” at nangangailangan ng agarang aksyon. Aba’y talagang napakaraming kakampi ng Office of the President dahil sina Davao City Rep. Isidro Ungab at Sen. Francis Escudero ay agad na pinaalalahanan si Almario na maghunus-dili at maghinay-hinay dahil ang pagkakabalam at pagkakabimbin ng pondo ay maaaring kagagawan ng mga ahensiya at mga paaralang humihingi ng pondo. Teka. Sapot lang sa utak nila ito at wala naman silang tinukoy para patotohanan ang paalala.
Pero, kailan nga ba ilalabas ang P2 bilyon? Matatapos na ang kuwaresma at tuwing hapon ay bumubuhos na ang malakas na ulan. Sa susunod na mga araw ay ihahayag na ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ang simula ng tag-ulan. Kung ang pondo ay wala pa rin sa nakalipas na pagdinig joint congressional oversight committee on public expenditures, tiyak na sa Hunyo ay ilalabas na ang pondo. Kung ilalabas na nga. Sino ba ang nakatitiyak?
Nakababang-aw nga, ayon sa mga taga-Lucena.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.