DAHIL imposibleng makilala ang taong gumawa ng krimen kapag nakasuot ng full-faced helmet, isinulong sa Kongreso ng tatlong kongresista ang pagpaparehistro sa mga helmet.
Inihain nina Ako Bicol Representatives Christopher Co, Rodel Batocabe at Alfredo Garbin Jr., ang House bill 3197 upang mahuli umano ang mga kriminal na gumagamit ng motorsiklo sa kanilang iligal na gawain.
“Efforts in identification of the suspects through their motorcycles are dismal because a motorcycle only has one number plate located at the rear end of the motorcycle,” saad ng mga mambabatas sa kanilang panukala.
Sa ilalim ng panukala, ang mga helmet ay irerehistro kasabay ng pagrerehistro sa mga motorsiklo sa Land Transportation Office. Maaari umanong iparehistro kahit ang helmet na gagamitin ng nakaangkas na pasahero.
Kung hindi naman magpaparehistro ng helmet ay hindi maaaring irehistro ang motorsiklo.
Gaya ng plaka ng mga sasakyan, kakabitan ng registration sticker ang helmet sa likurang bahagi. Kasama sa nakasulat sa sticker ang plaka ng motorsiklo.
Ang mga tao na mahuhuli na gumagamit ng hindi rehistradong helmet ay magmumulta ng P1,500 sa unang paglabag, P3,000 sa ikalawang paglabag at P5,000 sa ikatlong paglabag at P10,000 multa at pagkumpiska sa lisensya sa mga susunod pang paglabag.
Ang gagamit naman ng rehistradong helmet sa ibang motorsiklo ay kapareho rin ang parusa.
Kung dadayain naman ang registration sticker ang parusa ay P10,000 hanggang P20,000 multa.
(Ed: May komento o tanong ka ba hinggil sa artikulong ito? Mangyaring i-text lamang ang inyong komento at tanong sa Motor_pangalan_edad_lugar_mensahe at i-send sa 4467)
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.