NAABOT ni Rosie Villarito ang bronze medal marka sa 2013 Myanmar SEA Games para pangunahan ang tatlong lady athletes ng Patafa na pinangatawanan ang kanilang estado sa pambansang koponan sa pagsisimula ng 2014 Philippine National Games (PNG) athletics competition sa bagong gawang Philsports Oval sa Pasig City.
Ang 34-anyos na si Villarito, na nanalo ng ginto sa 2009 Laos SEA Games pero hindi nagkamedalya sa 2013 SEA Games, ay nakapagtala ng 48.55 metro marka sa ikaanim at huling attempt.
Ito ay higit sa 48.31 metro na ginawa ni Bui Thi Xuan ng Vietnam para maabot ni Villarito ang layunin sa pagsali sa kompetisyong inorganisa ng Philippine Sports Commission (PSC) katuwang ang Philippine Olympic Committee (POC) at mga National Sports Associations (NSAs).
“Non-medalist ako sa 2013 SEAG kaya bumaba sa P8,000 ang allowance ko. Sabi na kapag na-hit ang gold o silver o bronze medal sa Myanmar ay tataas ang allowance sa PSC kaya talagang tinarget ko ito,” pahayag ni Villarito.
Selyado niya ang pagiging pinakamahusay sa event dahil ang national pool member na si Evalyn Palabrica, na naglaro rin kamakailan sa Thailand Open at nagtala ng 42.39m para pumang-apat, ay may mahinang 39.66m para sa pilak. Ang tanso ay nauwi ni Jenelyn Arle ng UP sa 38.11m.
“Nakakalungkot dahil papatapos na ang career ko ay wala pa rin nakukuhang makakapalit ko. Huling SEA Games ko na ang 2015 sa Singapore at tutulong ako para makahubog ng makakapalit ko sa gagawin kong pag-iikot sa probinsya,” ani pa ni Villarito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.