SA ikalawang sunod na conference sa kasalukuyang 39th season ng Philippine Basketball Association ay hindi galing sa San Mig Coffee ang nagwagi bilang Best Player of the Conference.
Ito’y sa kabila ng pangyayaring consistent ang Mixers sa pagpasok sa Finals. Nagawa ng San Mig Coffee na marating ang championship round sa ikatlong sunod na conference matapos na talunin ang Air21, 3-2, sa semifinals.
Nakatagpo nila sa best-of-five championship series ang Talk ‘N Text. Sa oras na isinusulat ito ay hindi pa natin alam kung sino ang nahirang na Best Player of the Conference. Iniyahag ito kagabi bago nagsimula ang Game Three ng Finals.
Ang mga kandidato para sa award na ito ay sina Jayson Castro at Ranidel de Ocampo ng Talk ‘N Text at Paul Asi Taulava ng Air21. Nangunguna sa statistical race sina Castro at De Ocampo samantalang sentimental favorite naman si Taulava na nag-average ng double figures sa scoring at rebounding sa kabuuang 16 games.
Kung wala ngang per won game bonuses na natatanggap ang mga manlalaro, aba’y malaki sana ang agwat ni Taulava sa lahat ng kalaban niya. Kaso’y kabilang sa statistical points ang bonus points.
At siyempre, maraming won game bonus points ang mga manlalaro ng Talk ‘N Text dahil sa winalis nila ang 13 games nilang nilaro mula elims, quarterfinals at semifinals!
Pero hindi iyan ang nais talakayin ng pitak na ito, e. Ang bawat manlalarong magwawagi bilang Best Player ng isang conference ay automatic na magiging kandidato para sa Most Valuable Player sa pagtatapos ng season.
So, sa ngayon ay kandidato na si June Mar Fajardo ng San Miguel Beer dahil siya ang Best Player ng nakaraang Philippine Cup kung saan ang naglaban sa Finals ay ang San Mig Coffee at Rain or Shine. Nagkampeon ang San Mig Coffee.
Ipagpalagay nating magkakampeon ulit ang San Mig Coffee sa Commissioner’s Cup, so puwedeng makabuo ng Grand Slam ang Mixers. Pero wala pa rin silang kandidato para sa Most Valuable Player.
Kasi, walang Mixer na nagwagi bilang Best Player of the Conference! Ganoon katindi ang sitwasyon! Hindi naman natin sinasabing mali ang pamantayan o mali ang pagpili ng kandidato para sa MVP.
Kasi, napag-usapan na ang pamantayang ito nang kung ilang beses bago pa nagsimula ang kasalukuyang season. Nagkasundo na ang lahat hinggil sa criteria at pagpili ng kandidato.
Nagkataon lang na kaya umaabot sa itaas ang San Mig Coffee ay dahil sa teamwork at hindi dahil sa iisa o dalawang manlalaro lamang. Sistema ang puhunan ng San Mig Coffee kung kaya’t namamayagpag ang Mixers.
At nakakabilib ang mga manlalaro ng San Mig Coffee dahil hindi nila iniisip ang sarili nila. Team ang laging nasa isip nila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.