Gorgorya at ang kabayanihan ng 20 kababaihan ng Malolos
Isa sa mahahalagang yugto ng ating kasaysayan na hindi dapat kaligtaan ay ang ginawang pagpupursige ng 20 kababaihan ng Malolos, Bulacan na magkaroon ng paaralan para sa kanila noong panahon ng Kastila.
Maging ang bayaning si Jose Rizal ay binigyang parangal ang mga kababaihan ng Malolos sa ginawa nilang mungkahi kay Gobernador-Heneral Valeriano Weyler na magbukas ng paaralan na maaari nilang pasukan sa gabi pagkatapos ng kanilang mga gawaing bahay.
Ayon kay Roly Marcelino, lokal na mananalaysay ng Malolos, hindi pumayag ang gobernador-heneral sa hiling ng lupon bunsod ng matinding pagtutol ng kura paroko ng Malolos.
Pero dahil sa pagtitiyaga ay nakuha rin nila ang loob ng otoridad at natupad din ang mithi nilang panggabing paaralan.
Bagamat tumagal lamang ang paaralan ng tatlong buwan, naging malaking hakbang ito sa pagsulong sa karapatan sa edukasyon ng mga kababaihan noong panahon na ang tingin sa kanila ay tagasilbi lamang sa kanilang asawa at tagapag-alaga sa kanilang mga anak.
Ayon kay Rizal, mahalaga ang tungkulin ng mga kababaihan sa pag-unlad ng bayan kaya mahalagang maibangon ang kanilang dignidad.
Naniniwala si Rizal na magandang ehemplo sa iba pang kababaihan sa bansa ang ginawang pagpupumilit ng mga kababaihan ng Malolos na magkaroon ng dagdag na karunungan.
Bumisita kamakailan ang Culinary Historians of the Philippines (CHOP) sa tahanan nina Paulino Santos at Alberta Uitangcoy sa distrito ng Kamistisuhan, Malolos bilang bahagi ng Malolos Food Tour.
Si Alberta Uitagcoy-Santos, isa mga kinikilalang lider ng mga kababaihan ng Malolos, ang siyang humarap kay Gobernador-Heneral Weyler at nag-abot ng liham kung saan nakapaloob ang pagnanasa na makapagbukas ng paaralan sa mga babae ng bayan.
Ang tahanan ay ginawa noong circa 1890 ngunit ito ay nasunog noong 1910. Muli itong itinayo noong 1914. Ngayong taon ay ipinagdiriwang ang ika-100 anibersaryo ng tahanan.
Noong Abril 2013 ay binuksan sa publiko ang tahanan ng pamilya Uitagcoy-Santos bilang “Museo ng Kababaihan ng Malolos” sa pangangasiwa ng Women of Malolos Foundation Inc.
Ang museo ay naglalaman ng mga memorabilia ng 20 kababaihan ng Malolos na pilit na kumawala sa kahon na likha ng makalumang pagtingin sa mga babae noong panahon na ang mga prayle ang panginoon.
Sa mismong museo ay ipinamalas ni Naty Ocampo-Castro sa mga miyembro ng CHOP ang paggawa ng pabalat ng pastilyas na yari sa papel de hapon.
Gamit ang maliit na gunting, kanyang inuukit ang papel upang makagawa ng mga hugis na tulad ng sampaguita, babaeng naka-baro’t saya, at lawiswis kawayan.
Ang mabusising sining na ito ay halos mamamatay na dahil iilan na lamang ang gumagawa nito, pero salamat at naipasa ito ni Nanay Luz Ocampo sa kanyang anak na si Naty.
Nagpakitang-gilas din si Rheeza Hernandez sa pagluluto ng Gorgorya, ang sikat na hugis-kabibeng biskwit ng Malolos na gawa sa itlog, mantika at arina at may budbod na karamelisadong asukal.
Simple man ang paggawa ng gorgorya, nagtataglay naman ito ng kakaibang lasa dahil sa sangkap nitong ginadgad na balat ng dayap at kinusot na dahon ng kalumata, na may amoy at lasa ng anisado.
Ayon kay Rheeza, ang culinary expert ng Malolos at ang aming guide, dahil puti ng itlog ang pandikit sa mga bato, koral at kabibe sa paggawa ng mga simbahan noong panahon ng Kastila ay naglipana ang pula ng itlog at hindi malaman ng mga tagaroon kung ano ang gagawin dito upang hindi masayang.
Kaya naisipan ng mga madre at mga kababaihan na gamitin ito sa mga himagas, minatamis at biskwit tulad ng gorgorya, kurbata de sebo, pinaso, leche flan, at yema.
Ang kaluto ng Malolos ay minana ni Rheeza mula sa kanyang tiyahin na si Milagros S. Enriquez. Kasama si Roly Marcelino, kanilang pinauunlad ang kinagisnang tradisyon.
Nais pasalamatan ng CHOP sina Rheeza Hernandez at ang kanyang mga kasama na sina Roly Marcelino, Bing Tubid, Marichelle Bernardo, Rapsody Magbanua, Jonathan Hernandez, Naty Ocampo-Castro, Tita Mercy Antonio, Tita Tess Luriaga, Boyet & Nina Enriquez, Dez Bautista, at Jeremy Lord Mercado Dancil sa matagumpay na Malolos Food Tour.
Kung may mungkahi, reaksyon o katanungan, mag-text po lamang sa Smart: 0947 693 0231 at sa Globe/TM: 0936 591 6380. Huwag kalimutan isulat ang pangalan at lugar. Salamat po.
Gorgorya
Ingredients
2 cups all purpose flour
1 tbsp baking powder
1/2 cup margarine
1 egg
4 tbsp milk
4 tbsp water
cooking oil for deep frying
Sugar coat
1/2 cup of sugar
2 tbsp water
1 tbsp dayap rind
2 pcs kalumata leaves (kinusi)
Method
1. Mix together flour and baking powder, cut in the margarine and add slightly beaten egg, milk and water until it forms a dough.
2. Cut into small pieces and roll at the back of a fork to form a shell-like shape.
3. Deep fry until golden brown. Let it cool.
4. In a hot pan place sugar and water and kalumata leaves.
5. Let it melt and boil (hanggang ga-bentesingko ang laki ng kulo)
6. Pour the shells and coat, add the rind.
7. Cool and serve with
tea or coffee.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.