Renée Zellweger muling iibig sa bagong ‘Bridget Jones’ movie
MGA ka-BANDERA, handa na ba kayong muling ma-inlove?
Ang paboritong romantic-comedy icon na si Bridget Jones ay magbabalik big screen para sa huling kwento sa pelikulang “Bridget Jones: Mad About the Boy.”
Muling gagampanan ni Renée Zellweger ang nabanggit na iconic character.
Sa pasilip ng pelikula, ipapakita na muli niyang bibigyan ng kulay ang kanyang buhay matapos ang malungkot na pagpanaw ng kanyang asawang si Mark Darcy.
Baka Bet Mo: LIST: Mga bagong pelikula na magpapainit sa unang buwan ng 2025
Ngayon, bilang single mom sa dalawang anak, hinihikayat siya ng kanyang pamilya at mga kaibigan na muling buksan ang kanyang puso para sa bagong pag-ibig.
Siyempre, hindi mawawala ang mga nakakatuwang eksena at emosyonal na tagpo sa kanyang kwento.
Kasama rin sa pelikula sina Hugh Grant, Emma Thompson, Leo Woodall, Chiwetel Ejiofor, at Isla Fisher.
Tamang-tama ito para sa Araw ng mga Puso dahil magsisimula itong ipalabas sa mga lokal na sinehan sa February 12.
Unang nakilala si Bridget Jones sa bestseller novel ni Helen Fielding na “Bridget Jones’s Diary” na naging blockbuster din nang ito’y gawing pelikula.
Sa kanyang mga kwento bilang single career woman na nakatira sa London, ipinakilala niya ang mga salitang “Singletons,” “Smug-Marrieds,” at “f—wittage” sa global lexicon.
Matapos ang lahat ng kanyang pinagdaanan, nagtagumpay si Bridget – pinakasalan niya ang top lawyer na si Mark Darcy at nagkaroon sila ng anak na lalaki.
Ngunit sa “Bridget Jones: Mad About the Boy,” mag-isa na ulit ang bida.
Byuda na siya ng apat na taon matapos mamatay si Mark sa isang humanitarian mission sa Sudan.
Bilang single mom sa 9-year-old na si Billy at 4-year-old na si Mabel, patuloy niyang sinisikap na gawing masaya ang kanilang buhay, sa tulong ng kanyang matatalik na kaibigan – at pati na rin ng kanyang dating kasintahan na si Daniel Cleaver (Hugh Grant).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.