(UPDATE) MATAPOS ang ilang linggong pagtatago, sumuko na nitong Lunes ang fugitive na modelo na si Deniece Cornejo sa Camp Crame.
Pasado alas-4 ng hapon nang dumating si Cornejo sa PNP at nagtungo sa tanggapan ni PNP Chief Director General Alan Purisima.
Makalipas ang ilang minutong pakikipag-usap kay Purisima ay dinala si Cornejo sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) para doon iproseso para sa kasong serious illegal detention na isinampa sa kanya ng aktor at TV host na si Vhong Navarro. Sa CIDG din siya pansamantalang idedetine.
Sinabi naman Senior Superintendent Roberto Fajardo, CIDG-National Capital Region chief sa panayam sa media, bago pa ang pagsuko ay nagpadala si Cornejo at pamilya nito ng surrender feelers dalawang linggo na ang nakakaraan.
Aniya, sinundo si Cornejo ng mga personnel ng CIDG-NCR sa isang lugar sa Metro Manila umaga kahapon. Hindi naman nito tinukoy ang eksaktong lugar.
Nahaharap si Cornejo, ang negosyanteng si Cedric Lee, at tatlong iba pa sa kasong serious illegal detention matapos ang umano’y pambubugbog sa komedyante at TV host na si Vhong Navarro noong Enero.
Walang inirererekomendang piyansa para sa kasong serious illegal detention. Nauna nang nahuli si Lee kasama si Simeon “Zimmer” Raz sa Dolorez, Eastern Samar mahigit isang linggo na ang nakararaan.
( Photo credit to inqurer news service )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.