Anne naka-jackpot uli, Hollywood movie malapit nang ipalabas sa US
BONGGA talaga ang Kapamilya leading lady na si Anne Curtis. Bukod sa paghataw sa ratings game ng kanilang Primetime Bida series na Dyesebel at sa sandamakmak na TV commercial, malapit na rin palang ipalabas ang kauna-unahan niyang Hollywood movie.
Ayon sa ulat na nabasa namin sa isang website, inilabas na ang teaser ng nasabing pelikula na natapos ni Anne noon pang nakaraang taon, ang “Blood Ransom” na idinirek ng Filipino-American na si Francis dela Torre and produced by Tectonic Films.
Base sa nakita naming video clip sa internet, kasama ni Anne sa “Blood Ransom” ang international actor na si Alexander Doetsch. Wala pang karakdagang detalye tungkol sa nasabing proyekto, hindi rin binanggit sa report kung kailan ito ipalalabas sa Amerika at kung dadalhin din ito sa Pilipinas.
Sa pagkakaalam namin, base na rin sa mga interview namin kay Anne, dapat sana ay noong nakaraang taon pa ito ipalalabas pero hindi rin daw alam ng Kapamilya actress kung bakit ito na-delay. Pero sigurado kaming tuwang-tuwa ngayon ang aktres-TV host dahil finally ay mukhang matutuloy na ang showing nito.
Samantala, sa pagpapatuloy ng Primetime Bida series na Dyesebel sa ABS-CBN pagkatapos ng TV Patrol, marami na ang nag-aabang kung paano nga magkakapaa si Anne sa kuwento. Atat na atat na rin ang mga manonood kung paano silang magkikita muli ni Fredo (Gerald Anderson) sa mundo ng mga tao.
Siniguro ni Anne na maraming twists ang mangyayari sa mga susunod pang episode ng Dyesebel, kabilang na nga diyan ang pag-alis niya sa mundo ng mga sirena.
Sasama kaya ang kinikilala niyang ina na si Banak (Ai Ai delas Alas) sa pagpunta niya sa lupa? At paano naman si Liro (Sam Milby) na walang sawang nagmamahal sa kanya sa mundo ng karagatan?
At siyempre, mawawala ba ang mga nakakalokang eksena ni Eula Valdez bilang si Reyna Dyangga na gagawin ang lahat mawala lang sa paningin niya si Dyesebel.
Pero para sa amin, mas kaabang-abang kung paano nga magkukrus ang landas nila ni Betty (Andi Eigenmann), ang babaeng baliw na baliw kay Fredo na magiging kontrabida sa buhay ni Dyesebel.
Siyempre, kasama pa rin sa makulay at madramang mundo ni Dyesebel sina Dawn Zulueta, Gabby Concepcion, Gina Pareño, Zsa Zsa Padilla, Bangs Garcia, Jason Abalos, Ogie Diaz at marami pang iba. Ito’y sa direksiyon pa rin nina Don Cuaresma, Francis Pasion at Darnrel Joy Villaflor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.