HINDI naman nagrereklamo nang husto si Rain or Shine coach Joseller “Yeng” Guiao sa pagkatalo nila sa Talk ‘N Text noong Lunes. Pero tila tama ang argumento niya na dapat na ni-review ang pagkakasalba ni Jimmy Alapag sa bola sa dying seconds ng larong iyon.
Palabas kasi ang bola at hinabol ito ni Alapag sa baseline. Sa pananaw ng karamihan ay tila tumapak na sa linya si Alapag bago natapik ang bola. Pero walang pito ang referees.
Sa halip ay nasalo ng kakampi ni Alapag ang bola at naituloy ang play. Well, hindi natin alam kung puwedeng makipag-debate si Guiao sa league officials. Kasi, nire-review lang ng referees kung kanino mapupunta ang ball possession sakaling tuluyang lumabas ang bola at hindi maisalba.
‘Yun ang rule, e. Nagkaroon ng dead-ball situation kung kaya’t nabigyan ng pagkakataon ang mga referees na mag-review.
E sa nangyaring pagkakasalba ni Alapag sa bola, walang dead-ball situation.
Tuloy ang laro dahil hindi hinatulan ng out-of-bounds ng referee. Walang pagkakataong mag-review.Kung magre-review, ititigil ang laro kahit na live ang bola?
Hindi naman siguro papayag ang Talk ‘N Text sa ganoong sitwasyon. At hindi nga iyon papayagan ni commissioner Chito Salud.
So, walang tawag, walang review.
Talo ang Rain or Shine. Ano ang puwedeng gawin sa sitwasyong iyon? Puwedeng i-review ng PBA Commissioner’s Office ang nangyaring iyon pero hindi na mababago pa ang resulta ng laro. Walang replay.
Ang puwedeng mangyari ay makagalitan o masuspindi ang referee na hindi gumawa ng tamang tawag sakaling out-of-bounds na nga si Alapag. ‘Yun lang!
At sa panig ng Rain or Shine? Aba’y charge to experience na lang. Bawi na lang sa susunod na game at baka mas maganda ang itawag ng refereees para sa kanila.
Nais kong magpasalamat kay PBA chairman Ramon Segismundo ng Meralco Bolts sa napakalaking tulong niya sa PBA Press Corps na pinamumunuan ko bilang pangulo.
Inisponsoran ng Meralco ang kauna-unahang Summer Journalism Workshop ng PBA Press Corps na ginanap sa Meralco Seminar Hall noong Huwebes. Nilahukan ito ng animnapung estudyanteng mahilig magsulat.
Sana’y nakatulong kami sa kanilang pangarap! Next daw ulit ay willing mag-sponsor ang Meralco ng journalism workshop.
Thank you in advance!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.