Pareho raw sila ng tadhana ni Ai Ai
MUKHANG pareho nga ng kapalaran pagdating sa lovelife ang mag-friendship na sina Ai Ai delas Alas at Eugene Domingo, ‘no! Yes, parehong hataw ang showbiz career ng dalawa pero pareho rin silang “luhaan” sa pagkakaroon ng dyowa.
Nu’ng huli naming makachikahan si Uge sa presscon ng “Shake, Rattle & Roll 13” na isa sa mga official entry sa darating na Metro Manila Film Festival 2011, talagang gustung-gusto na rin niyang magkaroon ng lovelife, pero sabi nga ng magaling na comedy actress, hindi naman daw niya pwedeng ipilit ang isang bagay na hindi para sa kanya.
“Sino ba naman ang may gustong maging single ka all your life, di ba? Siyempre, umaasa pa rin ako na one of these days dumating na siya, pero hangga’t wala pa, work lang nang work, mag-enjoy lang tayo sa kung anumang meron tayo ngayon.
Hindi naman pwedeng, magmukmok ka na lang sa isang tabi dahil wala kang karelasyon, di ba? Hindi pwede ‘yung ganu’ng acting,” chika ni Uge.
Anyway, wala namang reklamo si Eugene sa buhay niya ngayon, in fact, lahat ng blessings na tinatanggap niya ngayon ay talagang hindi niya inaasahan. Masagana ang 2011 para sa multi-awarded and box-office comedienne at mukhang mas magiging masagana pa sa 2012.
Sinimulan niya ang taon sa pasabog na performance niya sa “Gunaw” episode ng “My Valentine Girls” kapareha si Richard Gutierrez at tatapusin niya sa buwis-buhay niyang pagganap sa “Rain, Rain, Go Away!” episode ng “Shake, Rattle & Roll 13” ng Regal Films!
Sa taon ding ito pinatunayan ni Eugene ang pagiging reyna ng indie movies dahil sa pelikula niyang “Ang Babae Sa Septic Tank” na pinag-usapan nang husto sa nakaraang Cinemalaya.
Bukod sa nakakaaliw at nakakabaliw niyang akting na tunay namang umani ng papuri sa mga kritiko at mahihilig sa movies, tinanghal pa siyang Best Actress ng naturang event.
Eh, bukod sa award na ‘yon, nabigyan pa ng oportunidad si Eugene na mapanood ang performance niya sa movie na ito sa ibang bansa dahil sa iba’t ibang film festivals.
Ilan pa sa nagawang movie this year ni Uge ay ang “Wedding Tayo, Wedding Hindi!” at ang markadong performance niya sa box-office surprise na “Zombadings: Patayin sa Syokot si Remington.”
Nakatanggap din ng Best Supporting Actress award this year dahil sa pagganap niya sa “Ang Tanging Ina Ninyong Lahat (Last Na ‘To).”
Eh, ngayong MMFF, si Uge ang flag bearer ng pinakamalaki, pinakamagastos at pinakanakakatakot na edisyon ng “Shake, Rattle & Roll” sa episode na “Rain, Rain, Go Away!”
Malaki ang tiwala sa kanya ng mag-inang Mother Lily at Roselle Monteverde bilang box-office attraction base sa track record niya sa takilya kaya binigyan siya ng importansiya sa billing at promotional materials ng movie.
Kaya naman kahit meron pa siyang ibang entries ngayong festival, hinding-hindi bibiguin ng komedyana ang tiwala ng kanyang producers sa “SRR 13.”
“Mas pinili kong sumakay sa float ng ‘Shake, Rattle & Roll’ sa Parade of Stars sa Dec. 24 dahil gusto kong suklian ang halagang ibinigay sa akin ni Mother Lily at Roselle. Hindi sila nag-atubiling gastusan ang episode ko kahit one third lang ito sa kabuuan ng pelikula.
“Saka sa iba kong movies, malalaking artista na ang nandoon kaya gusto ko namang mag-stand out sa sarili kong float! Ha-hahaha! But kidding aside, alam kong maiintindihan ng kasama ko sa ibang movies ang situation ko,” paliwanag ni Eugene.
Ayon pa kay Uge, ikayayanig ng viewers ang pagkagawa ni Chris Martinez sa episode niya with Jay Manalo, Edgar Allan Guzman at Boots Anson Roa.
Bukod sa episode ni Eugene, ipinagmamalaki rin ng “SRR 13” ang dalawa pang bahagi ng horror franchise na “Parola” nina Kathryn Bernardo, Sam Concepcion, Louise delos Reyes, Hiro Magalona, Dimples Romana, Julia Clarete, Inah Raymundo at Julia Clarete ni Jerrold Tarog at ang “Tamawo” nina Zanjoe Marudo, Maricar Reyes, Celia Rodriguez at Bugoy Carino ni Richard Somes.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.