NEW YORK — Nakasungkit ang Brooklyn Nets ng playoff berth matapos talunin ang Houston Rockets sa unang pagkakataon sa loob ng walong taon sa pagtala ng 105-96 panalo sa kanilang NBA game kahapon.
Kumana si Joe Johnson ng 32 puntos habang si Shaun Livingston ay nag-ambag ng 17 puntos para pamunuan ang Nets, na pinalawig ang kanilang home winning streak sa 14 laro, na pinakamahaba sa kanilang kasaysayan sa NBA at sa liga ngayong season.
Nakadikit din sila ng 1 1/2 laro sa Toronto Raptors at Chicago Bulls para sa No. 3 seed sa Eastern Conference. Winakasan din ng Nets ang 14-game skid laban sa Houston sa kanilang unang pagwawagi sa kanilang serye magmula noong Marso 13, 2006.
Hindi pa natatalo ng Nets ang Rockets sa kanilang homecourt magmula noong Marso 31, 2003, kung saan naglalaro pa sila sa East Rutherford, New Jersey.
Umiskor si James Harden ng 26 puntos para sa Houston, na nalasap ang ikalawang sunod na pagkatalo matapos ang itinalang five-game winning streak.
Hindi pa rin nakapaglaro si Dwight Howard, na iniinda ang sore left ankle, para sa Rockets na tumira ng 38 porsiyento mula sa field.
Warriors 122, Mavericks 120 (OT)
Sa Dallas, nakapagbuslo si Stephen Curry ng tiebreaking jumper sa huling segundo ng overtime para ihatid ang Golden State sa panalo.
Si Curry ay nagtapos na may 23 puntos at 10 rebounds. Si Klay Thompson ang nanguna para sa Golden State sa kinamadang 27 puntos habang si Jermaine O’Neal ay nagdagdag ng 20 puntos.
Lamang ang Dallas ng tatlong puntos bago nakapagbuslo si Thompson ng 3-pointer may 1:01 ang nalalabi sa regulation.
Sinupalpal naman ni O’Neal ang isang tira ng Dallas kung saan tabla ang laro sa 120-all na naging daan para sa winning move ni Curry. Nag-dribble si Curry sa kaliwang bahagi ng court bago tumira ng 20-foot jumper na nagkaloob sa Warriors ng panalo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.