DAHIL sa kaliwa’t kanang papuring natanggap ni Laguna Gov. ER Ejercito sa pelikulang “Manila Kingpin:
The Asiong Salonga Story” na nagkaroon ng advanced screening sa SM Manila nu’ng Sabado ay nasabi niyang sulit ang malaking nagastos nila.
“Natutuwa ako dahil sulit ang P75 million plus promotions na gastos ng aming producers at talagang all-star cast at overwhelming ang response.
“Si Ms. Nora Aunor, parati niyang sinasabi, kinikilabutan siya sa mga eksena, ramdam niya ang tensyon ng bawa’t action scene. Tuwang-tuwa siya sa pelikula, ang ganda-ganda raw.
Tama raw ‘yung ginawa naming paggastos, dugo at pawis ang ipinuhunan namin diyan at tama rin ‘yung pinaulit ko ‘yung editing,” sabi pa ng gobernador.
Diretsong sinabi ni Gov. ER na ipinaulit niya ang editing ng “Asiong Salonga”, “Hindi namin nagustuhan ‘yung unang editing kasi mabagal ang pacing, binayaran namin ‘yung unang editor.
Nag-imbita ako ng napakaraming kaibigan para panoorin ang unang editing, hindi kami natuwa, so we had to get a new set of editors, mga bata, magagaling.
“Sina Jason Cajapay and company, so we got four good editors na bata pa, nire-edit ‘yung buong pelikula kaya doble gastos kami, pati music doble gastos,” kuwento sa amin.
Ipinaalam naman daw ito ni Gov. ER sa director niyang si Tikoy Aguiluz na nagbantang magsasampa ng kaso laban sa kanya dahil pinakialaman daw ang pelikula niya at ipinatatanggal din ang pangalan niya sa credits bilang director.
Ang sinabi raw kay direk Tikoy, “Hindi ako natuwa sa unang editing, pati ‘yung producer hindi natuwa, hindi rin natuwa ang mga kamag-anak ko nang pinanood nila, so we had to get new set of editors at gumanda ang pelikula.”
At ang reaksyon daw ni direk Tikoy, “Masama loob niya!” mabilis na sagot ni ER sa amin.
Sa isyung pinatatanggal ang pangalan ni direk Tikoy, “Prerogative ng producers ‘yun. The producers’ decision ang may last say.
Si boss Vic (del Rosario) nakausap ko, si Mother Lily (Monteverde) nakausap ko, sabi nila, ‘Gob, mga producers ang may last say sa pelikula kung ano ang gusto nilang gawin sa editing, sa music at color grading.
“So, dapat respetuhin ni direk Tikoy ang desisyon ng producer na hindi maganda ‘yung unang editing,” paliwanag sa amin ni Gov. ER.
“Ang tinanggap na budget dito ni direk Tikoy, doble ng budget niya sa Viva Films, may advance rin siya sa ‘El Presidente’. Kaya hindi puwedeng tanggalin ang pangalan niya. At saka ayaw niyang pumirma sa kontrata,” dagdag pa nito.
Magsasampa raw ng demanda si direk Tikoy kapag hindi tinanggal ang pangalan niya sa credits ng movie? “E, di pagalingan kami ng abogado,” mabilis na sagot ng aktor.
At dahil sa napakagandang editing at paglapat ng bagong musika ay nakakuha ito ng grade A sa Cinema Evaluation Board, “Kaya gumanda ‘yung pelikula dahil sa editing, pero I credit the visuals to direk Tikoy.
Magaling na director si direk Tikoy, napakaganda, pati cinematography, maganda. Pero ‘yung editing, trabaho ng iba ‘yan.
At dahil may sama ng loob si direk Tikoy kay ER ay posibleng hindi na siya ang magdirek ng “El Presidente”, “Gusto ko si Tikoy pa rin ang gumawa ng ‘El Presidente’ dahil magaling siya sa visuals, pero ‘yung editing, hindi na niya linya ‘yun. Ang music, hindi niya linya, pero bilang director, ang galing ni direk Tikoy,” paliwanag ng actor-pulitiko.
Samantala, puring-puri rin ng media at ng iba pang nanood ng movie si Gov. ER sa ipinakita niyang acting sa pelikula, “Parang sumanib sa akin si Asiong Salonga.
This is the second time na ginawa ko ‘to, yung una nu’ng 1988. Mas happy ako ngayon kaysa nu’ng una, malaki ‘yung budget ng producer hindi nagtitipid kaya quality film talaga.
“Sabi ko, tatanggapin ko ang pelikulang ‘yan, dapat Hollywood style, hindi naman ako nagkamali sa pagkuha kay Tikoy, ginawang Hollywood talaga, pati budget ginawang Hollywood,” kuwento pa ni Governor.
Inulit ni Gov. ER na siya lang daw ang kumuha kay direk Tikoy kaya muling nakabalik sa pagdidirek, “Pati sa producer ko, ipinaglaban ko siya dahil they don’t want to get Tikoy, pero ipinaglaban ko siya.”
Hindi sumipot si direk Tikoy sa advanced screening ng “Asiong Salonga” at natawa na lang kami sa sagot ni Gov. ER tungkol dito, “Inimbitahan ko, pero hindi sumasagot, ganu’n talaga ang magagaling na director, suplado!” napangiting sabi nito sa amin.
Samantala, namataan namin sa special screening ng “Asiong Salonga” ang manager ni Carla Abellana na si Arnold Vegafria kaya natanong si ER kung nagkasundo na sila ni Mother Lily na ipo-promote na ng aktres ang pelikula nila?
“Pumayag na pumunta siya (Mother Lily) na pumunta si Carla ngayon, kaya lang may taping. Nagpo-promote na siya, okay na. Pag nakausap niya ang media, magpo-promote na siya,” kuwento ni ER.
Tinukso naman si ER dahil sa dami ng kissing scene nila ni Carla sa movie habang natatawa naman ang asawa niyang si Pagsanjan Mayor Maita Sanchez.
“Maraming binawas du’n. Suwerte niya, nahalikan niya isang gobernador. Sa buong buhay niya, hindi na siya makakahalik ng gobernador. He-hehehe!
“Sanay na si Mayor, artista rin siya. Sa unang ‘Asiong Salonga’, siya ang leading lady ko,” nakangiting sabi ni Gob.
Nag-e-expect ba siya ng award? “Sa nadidinig ko, sana makatsamba, sa comments kanina, sana manalo ng acting award.”
At kung palaring manalo si ER sa pagka-best actor ay dahil daw ‘yun kay Phillip Salvador dahil ito raw ang nagging acting coach niya sa kabuuan ng pelikula.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.