MALAKI pala ang kinakaharap na problema ng mga public school teacher. Take note, hindi ito yung palaging problema nila. Malaki pala ang kanilang babayaran sa eskwelahan na kanilang pinapasukan.Mamomroblema pa kasi sila sa mga babayaran nila sa eskuwelahan.
Aminin natin na hindi lahat ng pumasok noong Hunyo ay naka-abot hanggang Marso. Marami sa kanila na di na nakabalik ay hindi na rin nakapagbalik ng mga aklat na ipinahiram sa kanila ng paaralan.
Ngayon, dahil hindi naibalik ang mga libro, ang mananagot nito ay ang mga guro na nagpahiram. Kailangang bayaran ng mga guro ang mga aklat na hindi naibalik kahit hindi nila kasalanan ang pagkawala nito.
Kabilang sa mga librong nawala na obligadong bayaran ng mga guro ay yung mga nasunog at tinangay ng baha.
May ilang guro diyan nagbayad ng P3,000. Merong mas malaki pa.
Pero ang tanong, paano ipapaliwanag ngayon ng Department of Education kung saan mapupunta ang mga ibinayad ng mga guro para sa mga nawalang libro? Idinaragdag ba ito sa budget ng DepEd sa pagpapagawa ng mga bagong libro?
Bukod dito, walang official receipt na ibinibigay ang DepEd sa ibinayad ng mga guro. Hindi ba’t iyon naman ang tama, pag may papasok na pera sa gobyerno dapat may resibo?
Malaking problema nga ang hinaharap ng ating mga guro, at pag hindi sila nakabayad posibleng di mapirmahan ang kanilang clearance.
Ano ba naman itong naisip ng Department of Energy?
Babayaran nila ang gastos sa diesel ng mga malalaking mall at pabrika sa pagpapatakbo ng kanilang mga generator para hindi na sumabay sa pagkonsumo ng kuryente na isinusuplay ng mga power plant.
Sa pagkakaintindi ko sa nais gawin ng DOE, ayaw nila na tumaas ang demand ng kuryente lalo na ngayong summer dahil tiyak na magpapataas ito sa presyo. Law of supply and demand.
Ang pangit pakinggan na ang isa-subsidize ng DOE ay yung mga kompanya na kumikita ng malaki.
Hindi bat mas maganda kung ang isa-subsidize ng DOE ay yung mga gastusin ng maliliit na konsumer? Lalo pat tataas ang konsumo kahit ng mga mahihirap ngayong tag-init, gaya ng taon-taon ng nararanasan. Bukod dito, tataas din ang babayaran nila kahit hindi naman tataas ang kanilang suweldo.
Mukhang over used na raw talaga ang mga tren ng Metro Rail Transit 3 kaya madalas itong tumirik.
Kamakailan ay 10 pasahero ang nasaktan ng biglang pumreno ang tren ng MRT. Biruan tuloy ngayon, ang MRT pumipreno kahit hindi kailangan, ang mga bus naman natin nawawalan ng preno.
Sayang lang at hindi magagamit sa MRT ang ibang tren ng Light Rail Transit Line 1 at Line 2.
Hindi kasi magkasukat ang tren na pang-MRT at LRT.
Mas makitid ang tren ng MRT kaya marami ang nagsisiksikan na nakatayo samantalang sa mas maluwag na LRT 1 at 2 ay mas konti naman ang pasahero.
Sino ba naman kasi ang nakaisip na pag-iba-ibahin pa ang tren, hindi tuloy puwede na maghiraman ng tren.
At hindi rin pwedeng makabiyahe ng paikot ang mga tren.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.