NEW YORK — Umiskor si Paul Pierce ng 22 puntos para sa Brooklyn Nets na lumapit sa pagkubra ng playoff spot matapos talunin ang Minnesota Timberwolves, 114-99, at magtala ng club record-equaling 13th straight home victory sa kanilang NBA game kahapon.
Gumawa si Pierce ng 16 puntos sa unang yugto kung saan hindi siya sumablay sa kanyang tira. Si Joe Johnson ay nagdagdag ng 19 puntos para sa Nets, na makakasungkit ng playoff spot kung sakaling manalo o matalo ang New York Knicks sa kanilang susunod na laro.
Tinapatan din ng Brooklyn ang longest home winning streak sa NBA ngayong season na siya ring pinakamahusay sa kasaysayan ng prangkisa.
Sina Corey Brewer at Kevin Martin ay may tig-21 puntos para sa Timberwolves, na nagwagi ng dalawang sunod at galing sa highest-scoring game sa NBA ngayong season, kung saan umiskor sila ng franchise-record 143 puntos sa tambakang panalo laban sa Los Angeles Lakers noong Sabado.
Cavaliers 90, Pacers 76
Sa Cleveland, kumana si Dion Waiters ng 19 puntos habang si Luol Deng ay nag-ambag ng 15 puntos para sa Cleveland Cavaliers na ipinagpatuloy ang arangkada para makapasok sa NBA playoffs matapos durugin ang Indiana Pacers, na nawawala na ang hawak sa No. 1 seed sa Eastern Conference.
Humablot naman si Tristan Thompson ng 16 rebounds para sa Cavs na tinapos ang nine-game losing streak laban sa Indiana. Ang Cleveland ay tatlong laro na lang sa likod ng dumadausdos at pahingang Atlanta Hawks para sa huling playoff spot sa kumperensiya.
May pitong laro na nalalabi — anim laban sa mga koponang may mga losing records — ang Cavs ay mayroon pa ring pag-asa na makalusot sa playoffs.
Ang Pacers ay mukhang nadidiskaril naman matapos matalo ng limang diretsong road game at angat na lamang sa Miami Heat ng isang laro para sa top record at home-court advantage sa Eastern Conference.
Si Paul George ay gumawa ng 15 puntos habang si David West ay may 14 puntos para sa Indiana, na natambakan ng 21 puntos sa ikaapat na yugto.
Knicks 89, Warriors 84
Sa Oakland, California, umiskor si J.R. Smith ng 21 puntos habang nag-ambag si Carmelo Anthony ng 19 puntos at siyam na rebounds para sa New York Knicks na dumikit ng isang laro para sa huling playoff spot matapos daigin ang kulang sa tao na Golden State Warriors.
Na-outscore ng New York ang Golden State, 34-12, sa ikalawang yugto para makalayo, 56-44, sa first half at nagawang mapigilan ang matinding ratsada ng Warriors sa pamumuno ni Stephen Curry sa huling mga minuto ng laro.
Gumawa si Curry ng 32 puntos kabilang ang game-tying 3-pointer may 2:42 ang natitira sa laro subalit sumablay siya sa kanyang long range shot at naagawan ng pasa ni Raymond Felton sa huling minuto ng laban.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.